HINDI ko maaaring palampasin ang isang angkop na pagkakataon upang saluduhan ang ating mga guro na laging gumaganap ng makabuluhang tungkulin sa buhay ng ating mga mag-aaral at sa mismong ginagalawan nating lipunan. Simula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ay ginugunita natin ang National Teachers’ Month (NTM), kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day (WTD).
Natitiyak ko na ang mga pagsasakripisyo ng ating mga guro ay laging nakaukit sa aking utak. Minsan sa ating buhay, naging mga estudyante rin tayo na ginabayan ng mga titser; sila ang itinuturing nating pangalawang magulang. Sila, bagamat hindi na kailangang ulit-ulitin, ang humubog sa ating pagkatao, nagkintal sa ating mga isipan ng makatuturang mga kaalaman sa iba’t ibang larangan ng edukasyon – aritmetika, agham panlipunan, paggamit ng wastong Ingles at tamang pananagalog. Itinuro rin nila ang pagtatanim ng gulay sa likod-bahay o backyard gardening na isinusulong ngayon ng gobyerno bilang bahagi ng pagkakaroon ng sapat na pagkain o food-sufficiency.
Naging importanteng bahagi ng pagsisikap ng ating mga guro ang pagpapahalaga sa tunay na diwa ng wastong asal o good manners and right conduct na kailangang taglayin nating lahat mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda. Nakapanlulumong masaksihan na ang wastong pag-uugali ay tila banyaga pa sa ilang sektor ng sambayanan – sa ilang grupo ng mga mambabatas, abogado, doktor at maging sa grupo ng karaniwang mamamayan.
Totoo na maging sa organisasyon ng mga guro na kabilang sa tinatawag na ‘most honorable profession’, matatagpuan din ang sinasabing mga bad eggs. Ibig sabihin, nalilihis din ang ilan sa kanila sa tamang landas na kanilang itinuturo. Hindi ba ang ilan sa kanila ay sinasampahan ng asuntong sexual harassment at iba pang mga pagkakamali? Gayunman, naniniwala ako na ang gayong nakadidismayang sitwasyon ay hindi dapat makaapekto sa natatanging paglilingkod ng higit na nakararaming mga guro.
Sa anu’t anuman, lalong dapat pag-ibayuhin ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd) ang pagdakila at paggalang sa ating mga titser. Nagsulong na rin ng pambihirang pagpapahalaga ang Philippine Postal Office (Philpost) sa pagtataguyod ng letter writing contest – Thank You Teacher o Salamat Po Teacher. Ganito rin ang isinusulong ng iba pang mga pribadong grupo.
Isang pagsaludo sa dedikasyon at kabayanihan ng ating mga titser
-Celo Lagmay