BAGUIO CITY -- MAGKAHALONG saya at lungkot ang nadama ng Team Baguio-- tinanghal na overall champion sa 2018 Batang Pinoy National Championships -- na ginanap ilang araw matapos manalasa ang bagyong ‘Ompong’ na sumalanta sa buong Northern Luzon, kabilang na ang pamosong ‘City of Pines’.

Mula sa pamamahagi ng ‘relief goods’ sa mga kababayan na nabiktima ng baha at landslide sa ilang bahagi ng lungsod, pinangunahan ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ang pagbibigay ng parangal sa mga batang atleta na nagpamalas ng husay at kagitingan sa multi-sports tournament ng Philippine Sports Commission.

“Batang Pinoy is the basic foundation of all the sports in the country. Dito nagsisimula ang paghuhubog hindi lang ang discipline, values, behavior at well-being ng mga kabataan kundi pati na ang kanilang future at ang importansiya nila sa komunidad,” pahayag ni Mayor Domogan sa thanksgiving party sa Camp John Hay.

“Kaya po kami ay nagpupundar at nakatutok sa mga kabataan dahil sila ang susunod nating henerasyon at sila ang future national athletes natin na magbibigay prestihiyo at karangalan sa bansa,” aniya.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nakopo ng Baguio City ang kabuuang 83 ginto, 81 silver at 107 bronze para sa kabuuang 271 medalya sa grassroots sports program ng PSC, sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

Determinado sa laban para maialay sa mga kababayan na naapektuhan ng bagyo, nadomima ng Baguio City bets ang combat sports ng wushu (13 ginto), taekwondo (10), judo (8) at wrestling (8) para makumpleto ang back-to-back overall championships sa torneo para sa kabataan na may edad 15-anyos pababa.

Matikas din ang Baguo City, tinanghal na national champion sa 2016 Batang Pinoy sa Tagum City, Davao Del Norte, sa arnis, chess, cycling, muay thai, badminton, basketball, pencak silat, wushu, boxing, gymnastics, beach at indoor volleyball, lawn tennis, sepak takraw, softball, baseball at archery.

Pangalawa ang Cebu City na may 36-40-44 medals, habang pangatlo ang inaugural Batang Pinoy champion Laguna Province na may 34 ginto, 13 silver at 31 bronze medal.

Pumasok sa top 5 ang dating kampeon na Quezon City (29-16-18) at Pangasinan Province (24-24-25).

Kinatawan ni Commissioner Celia Kiram si PSC Chairman Ramirez para ideklara ang pagtatapos ng torneo. Iginiit niya na kabuuang P10 milyon ang tulong pinansiyal na ibibigay ang pamahalaan sa Top 5 Local Government Units (LGU).