Ni BELLA GAMOTEA

Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsampa ng kasong torture at assault ang mga awtoridad ng Saudi laban sa employer ng isang Filipina household service worker na pinainom nito ng bleach.

“We would like to thank authorities in Saudi Arabia for filing the necessary charges against the employer who abused our kababayan,” sabi ni DFA Secretary Alan Peter S. Cayetano.

Iniulat ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah na nakumpleto na ng mga awtoridad sa Jizan Province ang kanilang imbestigasyon sa kaso ni Agnes Mancilla, 35, tubong Infanta, Quezon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We are counting on our Saudi friends in ensuring that our kababayan would be able to obtain justice for the unthinkable deed committed against her,” ani Cayetano.

Isinugod si Mancilla sa King Fahad Central Hospital nitong Abril at inilagay sa intensive care dahil sa tinamong internal injuries matapos painumin ng bleach.

Sinabi ni Consul General Edgar Badajos, na puwersahang pinainom si Mancilla ng cleaning solution ng kanyang amo matapos nagkamali sa paghahanda ng tsaa.

Ayo sa mga abogado ng Konsulado, nasa full trial na ang kaso ni Mancilla. Kapag napatunayang nagkasala ang kanyang amo ay masesentensiyahan ito ng pagkakakulong at paglalatigo, at pagbabayarin ng financial compensation.