AGAW eksena si dating pound-for-pound king Floyd Mayweather Jr. sa araw ng sagupaan nina Saul “Canelo” Alvarez at Gennady Golovkin na napagwagihan ng Mexican sa 12-round majority decision nang ihayag na magbabalik ito a boksing para sumagupa kay WBA welterweight champion Manny Pacquiao sa Disyembre.

Huling nagsagupa sina Mayweather at Pacquiao noong Mayo 2, 2015 sa Las Vegas, Nevada kung saan nagwagi sa 12-round unanimous decision ang Amerikano ngunit nabisto pagkaraan ng laban na may pinsala ang kanang balikat ng Pinoy boxer.

“I’m coming back to fight Manny Pacquiao this year. Another 9 figure payday on the way,” sabi ni Mayweather sa kanyang Instragram account.

Sa video na naganap sa music festival sa Tokyo, Japan, maririnig si Pacquiao na sinabing “I have the belt.” At sumagot naman si Mayweather ng “I’ll take it from you like I did before!”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sumagot naman si Pacquiao sa kanyang Instagram account ng “50-1 #NoExcuses” na nagpapahiwatig na palalasapin niya ng unang pagkatalo si Mayweather.

Kung matutuloy ang Mayweather-Pacquiao II, inaasahang panonoorin ito ng kanilang boxing fans at posibleng mawasak ang rekord na nagawa nila sa sagupaan noong 2015 na “highest grossing boxing match of all time.”

Tatangkain din ni Mayweather na pantayan ang world record ni WBC minimumweight champion Wanheng Menayothin ng Thailand na perpektong 51 panalo.

-Gilbert Espeña