PANSAMANTALANG nanuluyan ang 450 atleta at opisyal na sasabak sa Batang Pinoy National Final sa Baguio City sa dormitoryo ng Philsports Complex at Rizal Memorial Sports Complex.
Patungo sa Baguio ang grupo, ngunit pinakiusapan sila ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Butch Ramirez na manatili na muna sa Manila upang makaiwas sa hagupit ng bagyong ‘Ompong’ na kasalukuyang bumabayo sa kabuuan ng Northern Luzon.
Idineklara na rin ni Ramirez ang kanselasyon ng opening ceremony ng torneo ngayon.
“Pag lagpas ng bagyo at tiyak na ang kaligtasan ng mga atleta saka na natin sila paakyatin sa Baguio. Yung event proper simulan na lang sa Linggo o Lunes,” pahayag ni Ramirez.
Ang Batang Pinoy ang ia sa grassroots sports development program ng PSC.
Sinagot ng PSC ang pagkain, tulugan at sasakayan ng mga nasabing delegasyon na nasa kanilang poder ngayon.
Ayon kay Ramirez patuloy nilang inaantabayanan aang mga bagong balita tungkol sa naasabing bagyo na umabot sa category five sa pananalanta nito sa bansang Guam at karatig isla.
“We keep the public updated through our social media page,” pahayag ni Ramirez.
Sinabi pa ng PSC chief na may kaukulang hotline upang sagutin ang mga katanungan hinggil sa pagtatanghal ng Batang Pinoy.
Samatala, nagbigay din ng mandato si Baguio City Mayor Atty Mauricio Domogan sa mga kapulisan na kanyang nasasakupan na alalayan ang lahat ng mga delegasyon ng Batang Pinoy na aakyat sa nasabing lungsod kung saan may nakahandang highway patrol pagdating sa Rosario junction sa La Union.
Katuwang ng PSC ang Genesis Bus Line, na siyang magiging opisyal na transport carrier patungong City of Pines.
-Annie Abad