MANDAU CITY – Nadomina ng Cagayan de Oro City ang semifinal round ng Philippine Sports Commission (PSC) Pacquiao Amateur Boxing Cup nitong Linggo sa Mandaue Sports Complex dito.

Nakasiguro ng silver medal para sa National Finals sina Mark Lester Durens, (Jr boys fly wt 48kg), John Earl Palivino (Jr boys fly wt 50kg), Kim Bryan Cabrillos (Jr boys light bantamweight 52kg), John Ignatius Macas (youth boys flyweight 52kg) at si John Paul Panuayan ( youth boys lightweight 60kg) matapos na pataobin ang kani-kanilang mga nakalaban.

Makapigil hininga ang panalo ni Cabrillos matapos nitong nagwagi via Knockout sa huling 35 Segundo ng labanan, kung saan muntik na Hindi makabangon ang kalaban na si April Boy Lampitao ng Polomoloc South Cotabato.

Humilata ng humigit kumulang sampung Segundo si Lampitao, bago naibalik sa ringside, ngunit halatang hilong hilo pa rin hanggang maibaba sa medics at binigyan ng paunang lunas.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Gayunman, wala naman kritikal na injury na natamo ang batang boksingero buhat sa kanyang nakasagupa na si Cabrillos.

“Nag alala din po ako ma’am kasi Hindi siya gumagalaw noong una. Pero noong nakatayo na po siya, nag sorry na din po ako. Kasali po kasi sa laro yun eh,” kuwento ng 16- anyos na si Cabrillos.

Pasok din sa National Finals ang batang si Jake Son Saludar ng Polomoloc, kapatid ni 2010 Asian Games gold medalist na si Rey Saludar pati na ang pamangkin ng Pamabansang Kamao Manny Pacquiao na si Jan Reyan Dapidran ng Kidapawan City.

Hindi din nagpaiwan si Jim Paul Dignos ng Team Omega ng Cebu City pati na si Jobert Pala ng Sultan Kudarat.

Malalaman ang resulta ng National Finals na kasalukuyang nagaganap habang isinusulat ang balitang ito.

-Annie Abad