ANG dating Purefoods import na si Marqus Blakely ang magiging ikatlo at bagong TNT KaTropa reinforcement sa 2018 PBA Governors’ Cup.

Ang 6-foot-5 forward na huling naglaro sa Star Hotshots noong 2016, ang papalit kay Stacy Davis.

“Dalawang taon na siya huling naglaro sa Star. So, he’s an unrestricted free agent already,”pagkumpirma ni TNT team manager Virgil Villavicencio.

Matagal na naging import si Blakely ng Purefoods franchise mula noong maglaro sya para sa B-Meg Llamados noong 2012.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Mula noon, naging resident import sya ng koponan sa Governors’ Cup. Nagwagi pa si Blakely ng Best Import award noong 2013 at natulungan nya ang San Mig Coffee Mixers na mag back-to-back Governors’ Cup champions noong 2013 at 2014 kung saan nakumpleto ng San Mig ang bibihirang Grand Slam.

Dahil na rin sa kanyang karanasan sa liga, naniniwala ang TNT na hindi na ito mahihirapang mag adjust pa.

Inaasahang makapaglalaro si Blakely para sa TNT sa Setyembre 22 kontra Rain or Shine Elasto Painters sa Iloilo City kung kaya makakapag ensayo pa ito ng matagal kasama ng mga bagong kakampi.

Sa pagdating ni Blakely, umaasa rin ang Katropang makakabangon mula sa kanilang panimulang 2-4, panalo-talo.

-Marivic Awitan