TOTOONG hindi kapansin-pansin ang tandisang paglabag ng ilang sektor sa batas hinggil sa paggalang sa ating Pambansang Awit; maaaring ituring nila na iyon ay simpleng pagwawalang-bahala sa Flag and Heraldic Law (FHL) na nagtatadhana ng wastong paggalang sa ating bandila at sa iba pang makabuluhang bagay na tulad ng coat of arms.
Naniniwala ako na maliit lamang ang nabanggit na paglabag sa batas, lalo na kung ihahambing, halimbawa, sa Anti-Graft and Corruption Law (AGCL) na malimit labagin ng ilan ding sektor, lalo na ng mga tiwaling tauhan ng gobyerno. Kinapalooban ito ng bilyun-bilyong pisong transaksyon, kabilang na ang daan-daang kilong illegal drugs at iba pang kontrabando.
Sa biglang tingin, ang FHL ay ordinaryong batas lamang. Subalit natitiyak ko na ang paglabag dito ay isang tandisang paglapastangan sa ating bandila at Pambansang Awit. Iniuutos ng naturang batas ang wastong pagkanta ng Lupang Hinirang kasabay ng pagtataas ng ating watawat; kailangang tayo ay nakatindig nang matuwid kahit saan tayo naroroon at sabay na ipapatong sa tapat ng ating puso ang ating kanang kamay.
Maliwanag na ito ang nilabag ng ating mga kapatid na nanatiling nakaupo samantalang inaawit ang Lupang Hinirang sa isang sinehan sa Lemery, Batangas kamakailan. Maaaring sinadya nilang manatiling manahimik samantalang ang karamihan ay taimtim na nagpapahalaga sa ating Pambansang Awit. Dahil dito, iniulat na 34 sa mga nanonood na sinasabing lumabag sa FHL ang inaresto at marapat lamang papanagutin sa kanilang pagkakasala.
Hindi dapat paligtasin ang sinumang lumapastangan sa ating bandila at Pambansang Awit. Ang naturang watawat na nakawagayway sa halos lahat ng pribado at pambayang tanggapan at local government units (LGUs) ay sagisag ng kagitingan ng ating mga bayani na namuhunan ng dugo at buhay sa pagtatanggol ng ating kasarinlan. Sa aking pagkakatanda, ang ating bandila ay produkto ng mga pagsisikap ni Marcela Agoncillo; siya ang tumahi ng ating unang watawat. Ang Pambansang Awit naman ay produkto ng katalinuhan ng dakilang kompositor na si Julian Felipe, kung hindi ako nagkakamali.
Nakalulungkot na may pagkakataon na ang ating bandila ay isinasabit nang pabaliktad; may pagkakataon din na ang ating Lupang Hinirang ay inaawit sa pamamagitan ng paiba-ibang tono.
Ang gayong mga paglapastangan sa simbolo ng kabayanihan ay hindi dapat palampasin; ang mga ito ay tandisang paglabag sa batas at mistulang pagyurak sa ating pagkamakabayan o nasyonalismo.
-Celo Lagmay