KASABAY ng paghahanap ng iba’t ibang sektor ng Pilipinas ng paraan kung paano matutugunan ang problema sa climate change, ipinanawagan ng mga lokal na siyentista ng pagbibigay konsiderasyon para sa kapakanan ng mga kabataan.
“In the international scene, they’re already bringing youth into the picture,” pahayag ni Manila Observatory (MO) meteorologist Rosa Perez, sa ikatlong pagdinig ng Commission on Human Rights (CHR) nitong nakaraang linggo para sa kaso laban sa 47 kumpanya na sinisisi para sa karamihan ng polusyon sa hangin ng mundo.
Ayon kay Perez, kinakailangang ikonsidera ang kalusugan, edukasyon at iba pang suliraning may kaugnayan sa mga kabataan, upang makabangon para sa posibleng epekto ng climate change.
Binanggit ni Celine Thelma Vicente ng MO ang pangangailangan na matugunan “gaps like dearth in recognizing children’s issues in national, regional, and local environmental agenda.”
“When environmental or ecological conditions are already poor, natural hazards exacerbate these further,” sinabi ni Vicente sa pagdinig, na ipinunto ang panganib na maaaring kaharapin ng mga kabataan sa mga ganitong sitwasyon.
Kabilang sa mga estratehiya ng ‘resilience-building’ ang adaptasyon sa pagbabago ng klima, na dapat umanong maging sagot sa mga pangangailangan ng mga kabataan.
Kapwa nanawagan sina Perez at Vicente para sa mas malalim na pananaliksik hinggil sa magiging epekto ng climate change sa mga kabataan.
Nagbabala ang mga eksperto sa panganib ng mga pagbaha, tagtuyot at iba pang dulot ng tumataas na insidente ng extreme weather conditions bilang isa sa mga epekto ng climate chnge sa bansa.
“With increasing temperature, malaria may return,” ani Vicente.
Aniya, ang kakulangan sa tubig ay maaaring makaapekto sa matataas na lugar, gayundin sa produksiyon ng pagkain at supply sa matataas na lugar.
Magpapalala rin sa educational status ng mga kabtaan ang climate change, ayon kay Vicente.
Nitong Hulyo, nagsagawa ang National Youth Commission (NYC) sa Metro Manila ng isang youth workshop tungkol sa climate change. Tinalakay sa workshop ang ilang pangunahing kaalaman sa climate change at disaster risk reduction and management.
PNA