TALAGANG palabiro ang ating Pangulo, si President Rodrigo Roa Duterte. Nagugustuhan ito ng mga tao, lalo na ang taga-Davao City. Maaaring walang malisya ang kanyang pagbibiro na malimit sumentro sa kababaihan, partikular ang “rape joke” niya kamakailan.

Gayunman, ang ganitong uri ng biro ay kadalasang hindi nagugustuhan ng kababaihan, tulad ng GABRIELA, at ng women advocates. Para sa kanila, minamaliit at binabastos ni Mano Digong ang mga babae. Inaakusahan nga siya na isang misogynist.

Ang “rape joke” ni PRRD ay kanyang sinambit sa 49th anniversary ng Mandaue City sa Cebu City. “Daghan man gwapa sa Davao, mao man,” badya ng machong Presidente (Maraming magagandang babae sa Davao, yan ang dahilan).

Sa report ng PNP, tumaas ang rape cases sa Davao City, at ayon kay PDu30 na naging alkalde sa loob ng 23 taon, ito ay sanhi ng magagandang dilag sa lungsod. Sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at pilosopo: “Kung gayon, mapapalad ang mga pangit, ligtas sila sa rape.”

Tumangu-tango si senior-jogger na umiinom ng kape: “Hindi pa rin sila ligtas kaibigan dahil kung sila naman ay sexy, maputi at malandi ang tindig, tiyak pagnanasaan din sila ng mga anak ni Adan.” Medyo tama rito si senior-jogger sapagkat kahit ang babae ay hindi kagandahan ngunit naka-short-short naman na maong at nakabakat ang “mga pisngi ng langit”, baka sila ay magahasa rin ng mga adik at hayok sa laman. Ingat, ingat sa pananamit.

Katwiran pa ni PRRD na nag-bisaya: “Ingon sila daghang rape ang Davao. Basta daghang gwapa, daghang rape gyud na” (Sabi nila, maraming rape cases sa Davao. Kapag maraming magagandang babae, marami ang mga kaso ng rape).

Para sa mga kritiko ng Pangulo, ang ganitong remark ay pagtatangka niyang i-justify ang mataas na insidente ng rape sa Davao – na mayroon nang 42 kaso batay sa PNP record mula Abril hanggang Hunyo 2018. Sumunod sa dami ng rape ang Quezon City (41 kaso), Maynila (32), Cagayan de Oro (24), at Zamboanga City (21).

Hindi ito ang unang beses na na-headline si Pres. Rody dahil sa “rape joke”. Sa kampanya noong 2016, nagbiro siyang siya dapat nauna matapos gahasain at patayin ang isang magandang Australian missionary na hinostage ng mga bilanggo. Binira si PRRD noon ng US Ambassador at Australian Ambassador. Para sa women advocates, walang respeto si Mano Digong sa kababaihan. Pero, ito ay biro nga lang na walang malisya.

Well, well, nagbabala ang ating Pangulo na ipasasalakay

niya sa PNP ang mga bodega ng rice hoarders. Mr. President, huwag na kayong magbabala dahil kilala naman ninyo kung sinu-sino ang rice smugglers at tiwaling negosyante ng bigas, pagdadakmain sila at sampahan ng kaso, piryud!

-Bert de Guzman