TRIPOLI (Reuters, AFP) – Nakatakas ang 400 preso mula sa isang kulungan sa kabisera ng Libya nitong Linggo habang nagbabakbakan ang magkakaribal na armadong grupo sa ‘di kalayuan, at nanawagan ang United Nations sa magkakalabang partido na magpulong sa Martes.
Puwersahang binuksan ng mga preso ang mga pintuan ng Ain Zara prison at hindi sila napigilan ng mga guwardiya, sinabi ng isang opisyal, kinumpirma ang pahayag ng judiciary police na ipinaskil sa social media.
Matatagpuan ang kulungan sa katimugan ng Tripoli, sa lugar na isang linggo nang matindi ang bakbakan ng magkakaribal na grupong Seventh Brigade laban sa Tripoli Revolutionaries’ Brigades (TRB) at ng Nawasi.
Ayon sa health ministry, 39 katao na ang nasawi at 100 ang nasugatan sa mga bakbakan. Isang missile ang bumagsak nitong Linggo sa kampo ng al-Fallah para sa mga lumikas na mamamayan ng Tawergha, na ikinamatay ng dalawa at ikinasugat ng pitong iba pa, kabilang ang dalawang bata.
Nagdeklara na ang Tripoli ng state of emergency “given the seriousness of the current situation.”