Sampung minuto lamang ang kinailangan ng House Committee on Appropriations para aprubahan ang panukalang 2019 budget ng Office of the President at limang minuto naman para ilarga ang 2019 allocation ng Office of the Vice President.

Ngunit hindi tulad ng limang minutong diperensiya, ang 2019 budget para sa pinakamakakapangyarihang opisina sa bansa ay bilyun-bilyon o milya-milya ang layo.

Halos kaagad na inaprubahan ng appropriation panel ang P6,773,939,000 budget para sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang halaga ay kumakatawan sa P742,939,000 o 12.32 porsiyentong pagtaas mula sa expenditure schedule na P6,031,010,000.

Samantala, binigyan si Vice President Leni Robredo, dumalo sa budget hearing kahapon, ng kabuuang P455,853,000 budget para sa 2019, mas mababa kaysa hiniling niyang P557,627,000.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang kasalukuyang budget ng OVP ay P550,990,000 o bumaba ng P95.137 milyon.

Sinabi ni Robredo na ang pagbawas sa budget ay magkakaroon ng negatibong epekto sa livelihood program ng kanyang opisina para sa maralita at sa kanayunan.

Sumuporta sa OP budget hearing si dating pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na sumali sa mabilis na deliberasyon ng appropriations panel.

Halos lahat naman ng mambabatas ng Liberal Party ay dumalo sa budget deliberation para magpakita ng solid support sa personal na pagdepensa ni Rodredo sa OVP budget.

Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea, namuno sa depensa ng OP para sa 2019 allocation nito, na ang pinakamalaking expenditure increase ay para sa maintenance at iba pang operating expenses sa P517,411,000 o 11.09 pagtaas mula sa P4,666,661,000 alokasyon noong 2018.

Umapela si Robredo na ibalik ang P103.347 milyon na ibinawas ng Department of Budget Management at pagsama ng ng line item budget na P5.63M para mapunan ang Special Duty Allowance para sa security personnel na nakatalaga sa kanyang opisina

-Ben R. Rosario