Kumpiyansa ang Malacañang na maibabasura lang ang impeachment complaint na isinampa laban sa pitong mahistradong nagpatalsik sa puwesto kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, dahil sa kawalan ng merito.

Iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi nakagawa ng anumang impeachable offense ang mga mahistrado dahil saklaw, aniya, ng Korte Suprema ang quo warranto petition na humihiling na tanggalin sa posisyon si Sereno.

“Naniniwala po kami na walang merito ‘yan at inaasahan namin na mababasura kaagad ‘yan ng Committee on Justice kasi whether be it on form or substance nakita po natin na nasa hurisdiksi0yon ng Korte Suprema ‘yung desisyon nila kay dating Chief Justice Sereno,” pahayag ni Roque.

“Ang sabi po ng Saligang Batas, merong hurisdiksyon ang Korte Suprema pagdating sa mga petisyon para sa quo warranto. So, hindi ko po maintindihan, kung bakit naging impeachable offense ‘yan,” ani Roque.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kamakailan, naghain ng impeachment complaint ang ilang kongresista laban kina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.

Binigyang-diin ng mga kongresista na maaari lang tanggalin sa puwesto ang impeachable offices, katulad ng kay Sereno, sa pamamagitan ng impeachment proceedings sa Kongreso.

-Genalyn D. Kabiling