TINALO ni Cuban-born Camila Cabello ang mga malalaking panglan sa industriya ng musika gaya nina Beyonce, Bruno Mars at Drake sa kanyang pagkakasungkit sa dalawang top prize sa MTV Video Music Awards (VMAs) nitong Lunes.
Si Cabello, 21, ang napiling artist of the year at siya rin ang nagwagi sa video of the year para sa kanyang Latin-flavored hit na Havana, wagi naman ang rapper na si Cardi B bilang best new artist at song of summer para sa kanyang dance hit na I Like It kasama sina J Balvin at Bad Bunny.
“I can’t believe this is for me,” pahayag ni Cabello, na mula sa girl group na Fifth Harmony at umalis sa grupo noong 2016 para suungin ang solo career.
Ito ang unang public appearance ni New York rapper Cardi B, 25, mula nang isilang niya ang kanyang unang baby noong Hulyo. Ngunit nabigo naman ang Bodak Yellow singer na makasungkit ng major award kahit na nakatanggap siya ng 10 nominasyon.
“A couple of months ago people were saying, you’re gambling your career by having a baby,” ani Cardi B sa kanyang speech nang tumanggap ng award. “I had a baby ... and now I’m still winning awards.”
Ang biggest winner ng gabi ay si Childish Gambino, ang music stage name ng aktor na si Donald Glover. Nakatanggap ng tatlong award ang kanyang This Is America music video, na tungkol sa black identity at police brutality.
Karamihan sa mga tropeo ay nasa technical categories, kabilang ang choreography at direction. Ang tanyag na music video ng APES**T, nina Beyonce at Jay-Z ay kinunan sa loob ng Louvre sa Paris, at ang kanilang backdrop ay ang ilang pinakatanyag na art work ng mundo, ay nagwagi ng dalawang award mula sa walong nominasyon.
Wala namang nakuhang parangal ang Canadian rapper na si Drake, isa sa pinakapopular na artist in terms of sales at streaming, gayundin si Grammy winner Bruno Mars.
Reuters