MAY mga balitang nais na umano ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na magbitiw sa puwesto dahil pagod na pagod na siya sa pagsawata sa kurapsiyon at paglaganap ng illegal drugs sa bansa. Hindi ba noong kampanya, bumilib sa kanya ang mga tao nang sabihin niyang pag siya ang nanalo, susugpuin niya ang illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, at kung hindi, siya ay magbibitiw at ibibigay niya ang puwesto sa bise presidente? Tapos na ang tatlo hanggang anim na buwan.
Sa kampanya rin noon, nangako siyang tatabasin ang katiwalian o kurapsiyon sa gobyerno. Ipakakain sa mga isda sa dagat ang mga bangkay ng mga bulok at tiwaling pinuno at kawani ng gobyerno upang tumaba ang mga isda. Palakpakan ang mga tao at siya’y ibinoto ng 16.6 milyon. Pinulot sa kangkungan ang “manok” ni PNoy, si dating Philippine Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.
Sinabi ni Mano Digong na magbibitiw lang siya sa panguluhan kung ang ipapalit sa kanya ay tulad nina ex-Senator Bongbong Marcos at Sen. Chiz Escudero. Hindi siya bilib kay Vice President Leni Robredo na siyang constitutional successor sakaling siya’y mag-resign o hindi na makatupad bilang presidente. Itinatakda ng Constitution na ang papalit sa pangulo ay ang bise presidente.
Umani ng batikos ang pahayag na ito ng ating Pangulo sapagkat unconstitutional umano na siya’y palitan ng hindi halal na pangalawang pangulo o kaya naman ay ng isang military junta. Isang AFP General ang naghayag sa Senado na hindi niya susundin ang Pangulo o sinumang nakaupong Pangulo kapag iniutos sa kanya na magtatag ng isang military junta.
Magkaiba ang paninindigan ng Bureau of Customs (BoC) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa pagkakapuslit sa apat na magnetic lifters na naglalaman umano ng P6.8 bilyong shabu. Una rito, dalawang lifters ang nasabat ng BoC na naglalaman ng 300-500 kilos ng shabu.
Natagpuan ng PDEA sa pamumuno ni PDEA director general Aaron Aquino ang apat na lifters sa isang bodega sa Cavite. Gayunman, ang mga lifter ay wala nang laman. Ayon sa PDEA, butas na ang mga ito. Nang ipasinghot sa mga aso, inupuan ito kung kaya naniwala sila na may lamang shabu ito.
Ayon kay BoC chief Isidero Lapeña, walang lamang shabu ang apat na lifters. Pero, naninindigan naman ang PDEA na shabu ang laman ng mga ito dahil inupuan ng mga aso na eksperto sa pagsinghot ng illegal drugs. Anila, hindi magsisinungaling ang mga aso.
Sa ngayon, naka-leave o bakasyon si Aquino. Hindi pa malaman kung nasaan na ang shabu na laman ng apat na lifters. Ayon nga kay Aquino, hindi makalulusot ang bultu-bultong shabu kung walang kasabwat ang mga smuggler na mga tiwaling kawani ng BoC.
Mr. President, ano ang masasabi mo rito? Mahihirapan kang sugpuin ang illegal drugs kapag patuloy ang shabu smuggling. Itumba man ng mga pulis at vigilantes ang libu-libo pang pushers at users, hindi masusugpo ang salot na droga.
-Bert de Guzman