Inaasahan ng Department of Health (DoH) ang pagdami ng bilang ng biktima ng leptospirosis, kasunod na rin ng ilang araw na pag-ulan at malawakang pagbaha sa bansa, kamakailan.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, may pitong araw na incubation period bago lumitaw ang mga sintomas ng sakit na nakukuha sa ihi ng daga kaya posibleng mai-report lamang ang mga bagong kaso nito hanggang sa susunod na linggo.
Aniya, base sa nakalap na datos ay lumobo sa 1,121 ang kaso ng leptospirosis sa National Capital Region (NCR), kabilang na ang 100 nasawi dahil sa naturang sakit, mula simula Enero 1-Hulyo 28.
Inaasahang madaragdagan pa ang naturang bilang dahil tiyak na maraming tao ang napilitang lumusong sa baha, kamakailan.
“There will be spikes that is for sure,” pagdidiin ni Duque.
Ikinalulungkot naman ni Duque na maraming buhay ang nasayang dahil sa naturang sakit na maaari naman sanang naiwasan kung naagapan.
“It is very unfortunate because this is preventable and it is very easy to manage it basta pumunta lang sila sa mga pagamutan dahil meron tayong libreng doxycyline,” anang Kalihim.
Nanawagan rin naman si Duque sa mga mamamayan, partikular na sa NCR, na hanggat maiiwasan ay huwag lumusong sa baha.
“Ang panawagan natin sa mga kababayan natin, lalo na sa Kamaynilaan ay dapat huwag nang lulusong sa baha. Kung hindi maiiwasan, kayo po ay uminom ng doxycyline. Sa pinakamalapit na pagamutan na resetado ng doktor doon sa mga city health centers. Sa NCR, kumpleto po tayo ng mga doktor doon at gamot at ang pangunahing supply ay manggagaling sa LGU at kung may kakulangan, pinupuno yung puwang ng DoH,” paliwanag ni Duque.
-Mary Ann Santiago