PALAWIGIN ang grassroots program at ilapit ang isports sa lahat na may sapat na pangangalaga sa national athletes ang priyoridad ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez sa susuod na mga taon sa ahensiya.

Sinabi ni Ramirez, na ang makapag hubog ng dekalidad na talento ang target ng kanyang tanggapan sa pamamagitan ng pagpapalawig ng grassroots programs, pagpapakilala ng mga katutubong laro sa pamamagitan ng Indigenous People’s Games at pagpapasaayos ng mga training at sports facilities para sa mga national athletes.

Nais ni Ramirez na gayahin ang uri ng pagpapatakbo ng sports sa mga bansang Australia, New Zealand at sa Scandinavian kung saan naniniwala siya na mga bansang matatagumpay pagdating sa larangan ng sports.

“We have our own tasks here. PSC will take care of the grassroots and the POC and the NSAs will take care of the elite sports,” aniya. “Kapag mahina ang grassroots, mahina din ang elite sports. Kaya dapat magsimula sa grassroots para makaproduce tayo ng mga talentong gaya ng mga pambato natin sa Asian Games,” ayon kay Ramirez.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Sa katunayan, isasagawa na ngayong darating na Setyembre ang national finals ng Batang Pinoy na gaganapin sa Baguio, habang nakalinya din sa nasabing buwan ang national finals din ng PSC Pacquiao Cup na nakatakdang ganapin sa Mandaue City.

Ngayong darating na Linggo, ay isasagawa naman ang ikatlong yugto ng Indigenous Peoples Games sa Ifugao City, habang kamakailan lamang ay naselyuhan na ang kasunduan para naman sa pagsasagawa ng Mindanao Open.

“Ipinapatupad lamang natin ang gusto ng Pangulong Duterte na ilapit ang sports sa lahat. That is why we are here. Work harder for the sake of the athletes and our country,” pahayag ni Ramirez.

Umaasa si Ramirez na makakapaghahanda ng todo ang mga atleta para sa kampanya sa Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa susunod na taon.

-Annie Abad