SINAMAHAN ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez ang ilang atletang Pinoy patungong Indonesia kahapon upang personal na masubaybayan at matugunan ang pangangailan ng Philippine delegation sa 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang.
Inaasahan ding makikipagpulong si Ramirez sa mga opisyal ng Olympic Council of Asia (OCA).
Ayon kay Ramirez, haharap sila nina Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas, kasama si SEA Games Committee chairman at DFA secretaray Alan Peter Cayetano at Siklab Foundation chairman Dennis Uy sa pamunuan ng OCA upang ipresinta ang 2019 hosting ng bansa para sa SEA Games.
Bagama’t walang direktang pag-amin, susubukan ng mga nasabing opisyales ng sports sa bansa na mag bid para sa hosting ng Asian Games sa 2030.
Nauna na rito, hinamon ng mismong chairman ng Indonesia Asian games Organizing Committee na si Erick Thohir ang Pilipinas na maghost ng quadrennial Games, pagkatapos ng hosting nito ng SEA Games sa susunod na taon.
“I’m really sure that the next step for the Philippines can be hosting the Asian games on 2030,’ pagbibiro ni Thohir sa kanyang pagdating sa bansa kamakailan.
Isang magandang presentasyon para sa nasabing bidding ang mga imprastraktura na isinasagawa para sa nalalapit na SEA Games hosting ng bansa, kung saan, maaring magamit ang mga venues na gaya ng New Clark City sa Pampanga, ang Philippine Arena sa Bulacan at ang rehabilitasyon ng Rizal Memorial Sports Complex para sa pagtatangka ng bansa sa bidding.
Matapos ang 18th edisyon ng nasabing quadrennial meet, ay lilipat naman sa Hangzhou China ang hosting sa 2022, habang ang 2026 Asian Games naman ay gaganapin sa Nagoya Japan.
-Annie Abad