Itutuloy pa rin ni Senator Antonio Trillanes IV ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating Tourism Secretary Wanda Teo, sa mga kapatid nitong sina Ben at Erwin Tulfo, at sa ilang opisyal ng Department of Tourism (DoT) at PTV4, kaugnay sa maanomalyang kontratang pinasok umano ng mga ito.

“Tuluy-tuloy ang pagsampa ko ng kasong plunder laban sa kanila,” saad sa pahayag ni Trillanes.

Ito ang tiniyak ni Trillanes sa kabila ng pahayag ni Blue Ribbon chairman Senator Richard Gordon na graft and corruption lang ang maaaring isampa laban kina Teo at Ben.

Absuwelto naman si Erwin dahil hindi naman ito sangkot sa transaksiyon ng Bitag Media Unlimited, Inc., na bumubuo sa programang “Kilos Pronto”, na paksa ng P60-milyon ad placement ng DoT sa PTV4.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Iginiit naman ni Trillanes na malinaw na inamin ni Erwin na nakinabang ito, makaraang aminin ng broadcaster na mayroon itong P150,000 sahod kada episode, o P3 milyon bawat buwan.

“Napaamin si Erwin Tulfo na nakinabang siya sa transaksiyong ito dahil siya ay kumikita ng P150,000 na suweldo kada episode, o mahigit tatlong milyon kada buwan,” ani Trillanes.

Aniya, lahat ng element ng plunder ay ginawa umano ng tatlong magkakapatid, at ng ilang opisyal ng DoT at PTV4.

“Hindi rin kapani-paniwala ang alibi ni former DoT Secretary Teo na hindi niya alam na ang kanyang sariling kapatid na si Ben Tulfo ang may-ari ng Kilos Pronto,” dagdag pa ni Triillanes.

-Leonel M. Abasola