MAHABANG panahon na ang kabiguan ng Philippine boxing team sa Asian Games. At sa pagkakataong ito, determinado ang walong Pinoy fighters na pawiin ang pagkauhaw ng sambayanan sa gintong medalya sa kanilang pagsabak sa 18th Asian Games.
Pangungunahan ni Mario Fernandez ang eight-man Philippine Team – huling nagwagi ng gintong medalya sa pamosong torneo noong 2010 edition sa Guangzhou, China mula kay flyweight Rey Saludar.
Sa grupo, tanging si Fernandez ang nakapaguwi ng medalya sa 2014 Incheon, South Korea nang makamit niya ang bronze medal sa bantamweight class.
Ngunit, ayon kay Ed Picson, executive director ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), bukod kay Fernandez, malaki ang tyansa ngayon ng koponan na kinabibilangan din ni AIBA World Youth Boxing Championship gold winner Eumir Marcial.
“Matindi ang pinagdaanan ng ating mga fighters. Pinili n gating mga coach 10, pero nagdesisyon kami na yung 8 na lang para talagang solid ang laban,” ayon kay Picson.
“Hindi rin kami nagkulang para sa kanilang international exposure at maganda yung resulta. Hopefully, these will translate into medals in Jakarta,” aniya.
Bukod kay Fernandez (56 kgs) at Marcial (75 kgs), kasama rin sa koponan sina Joel Bacho (69 kgs), James Palicte (60 kgs), Rogen Ladon (52 kgs), Carlo Paalam (49 kgs) at women boxers Irish Magno (51 kgs) at Nesty Petecio (57 kgs), silver medalist sa World Championship (2014) at Asian Amateur Boxing Championships (2015).
Gagabayan sila nina coach Nolito Boy Velasco, Ronald Chavez, at Elmer Pamisa.
“Lahat sila puwede mag gold, pero based on performance in past competitions, perhaps Paalam, Marcial, and Petecio are the ones to watch,” ayon kay Picson.
Naitala ng Pinoy boxers ang pinakamatikas na kampanya sa Asiad noong 1994 Hiroshima Games kung saan nakopo ng PH Team ang tatlong gintong medalya mula kina Mansueto ‘Onyok’ Velasco (light-flyweight), Elias Recaido (flyweight), at Reynaldo Galido (light-welterweight).
-Annie Abad