Maaaring nararamdaman na ngayon ng international drug smugglers ang diin mula sa kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga, dahil nagiging agresibo at mapangahas na ang hakbang ng mga ito sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob ng bansa.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos matuklasan ang nasa P6.8 bilyong halaga ng ilegal na droga na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC) nitong nakaraang linggo.
Nadiskubre ang kontrabando isang araw matapos masabat ng BOC ang nasa P4.3 bilyong kargamento ng shabu sa Manila International Container Port (MICP)
Sa pahayag, sinabi ni Roque na epektibo ang war against drug ni Pangulong Duterte lalo’t nababawasan ang supply sa loob ng bansa dahilan upang punan ng international drug manufacturers ang supply ng droga.
“We view the latest reported foreign drug shipment as a sign that big-timer drug manufacturers and smugglers are becoming bolder with a dwindled local supply as they feel the pressure from the government’s campaign against illegal drugs,” aniya.
Gayunman, siniguro ni Roque na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga counterparts nito sa ibang bansa para sa paghuli at pagtukoy ng mga shipment.
“Our authorities are now working with their foreign counterparts to help with the probe,” dagdag ni Roque.
-Argyll Cyrus B. Geducos