Pangulong Duterte may mensahe sa atletang Pinoy

SA isa pang pagkakataon, haharap kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga atleta at ilang sports officials ng Team Philippines na isasabak sa Asian Games sa send off ceremony ngayong 4:00 ng hapon sa Rizal Hall ng Malacanang.

Inaasahang aabot sa kabuuang 350 bisita ang dadalo sa nasabing pagsusugo ng Pangulong Duterte sa mga atleta sa Asiad, na pangungunahan ng mga opisyales na sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez, Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas at Chef De Mission na si Richard Gomez.

Sa nakalipas na Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia, binigyan din ng ‘audience’ ng Pangulong Duterte ang mga atleta, isang patunay na bahagi sa prioridad ng kanyang administrasyon ang sports.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Pangungunahan naman ni Hidilyn Diaz ang panig ng mga atleta, kung saan siya ang mangunguna sa panalangin bilang pagbubukas sa munting programa.

Magpapahayag ng kanyang mensahe si Vargas upang simulan ang programa na susundan naman ng pagpapakiala ng Chef de Mission na si Gomez sa mga sports na isasabak ng bansa para sa nasabing quadrennial meet.

Kasunod nito ay magbibigay din ng kanyang mensahe si PSC chairman Ramirez, bago ipapakilala ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang Pangulong Duterte para sa kanyang mensahe sa buong delegasyon ng bansa.

Susundan ng pagkakataon na makapagpalitrato ang mga atleta at coaches kasama ang Pangulong Duterte na hahatiin sa dalawang batch. Ang nasabing munting programa ay pangungunahan ni POC communications officer na si Ed Picson.

-Annie Abad