AMINADO ang mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na bumagal ang usad ng ekonomiya ng Pilipinas ng anim na porsiyento (6%) sa 2nd quarter ng taong ito, habang ang mga consumer o taumbayan ay nakikipagbuno sa rising prices o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Hindi ito magandang tanda o senyales para sa administrasyong Duterte na sinisikap na mapalakas at mapalago ang ekonomiya ng ating bansa. Itinatanggi ng mga eksperto sa ekonomiya ng administrasyon na isa sa mga dahilan ng pagsikad ng inflation ay ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Pero, subukan ninyo mga kagalang-galang na economic managers na magtungo sa palengke at bumili roon kung kayo ay makabibili pa ng murang produkto.
Batay sa pinakahuling data ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong Huwebes, ang economic growth sa 2nd Quarter ay mas bumagal kaysa revised growth figure na 6.6 % sa unang quarter ng 2018 at sa 6.6% sa 2nd quarter ng 2017.
May nagpapalagay na ilang policy decisions ng gobyerno, tulad ng pagpapasara at rehabilitasyon ng Boracay Island resort, ang nakapag-ambag sa slow growth, ayon kay SocioEconomic Planning Secretary at NEDA director-general Ernesto Pernia.
Gayunman, sa kabila ng pagbagal sa pag-usad ng ekonomiya, ang Pilipinas daw ay nananatiling kahanay sa “best performing in Asia” kasunod ng Vietnam at China. Mga kababayan, naniniwala ba kayo? Ang Vietnam ay nagrehistro ng 6.8% growth samantalang ang China ay 6.7% naman.
Siyanga pala, buong pagkakaisang tinangggihan ng mga miyembro ng gabinete ni PRRD ang panukalang ibaba sa zero ang taripa (zero tarrif) sa ilang produktong pang-agrikultura bilang solusyon na makontrol ang inflation.
Sa zero tarrif, gaya ng rice tarffication, ang mga produktong bigas mula sa ibang bansa ay makapapasok sa Pilipinas nang walang buwis. Samakatwid, babaha ng bigas sa ating bansa at magiging karibal pa nito ang mga Pilipinong magsasaka sa kanilang inani sa bukid.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque, wala kahit isang miyembro ng gabinete ng Pangulo ang sumuporta sa zero tarrif proposal, na kapag ipinatupad ay magbibigay-daan sa pagdagsa at walang habas na pagpasok ng mga produktong galing sa ibang mga bansa.
-Bert de Guzman