NASA 36 na bahay ang ipinamahagi ng rehiyunal na pamahalaan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa mga pamilyang nananatiling walang tirahan matapos ang limang buwang digmaan sa Marawi sa Barangay ng Barangay Lumbaca Toros, Saguiaran, Lanao del Sur, kamakailan.
“The shelter project is targeting 180 families, so more houses are up for completion soon,” pahayag ni ARMM Governor Mujiv Hataman, kasabay ng pagbabahagi na ang mga inisyal na benepisyaryo ay mula sa Norhaya, isa sa mga barangay na nasa loob ng tinaguriang ‘Ground Zero’ sa Marawi.
Pagbabahagi ni Hataman, nasa 144 pang bahay na natatagpuan sa Bgy. Pantaon sa kaparehong bayan ang patuloy na itinatayo at inaasahang maipamamahagi ngayong taon.
Ang mga benepisyaryo ay ang mga patuloy na naninirahan sa evacuation center ng bayan ng Saguiaran simula pa noong Mayo ng nakaraang taon nang magsimula ang digmaan sa lungsod ng Marawi.
“Slowly, the number of families in evacuation centers will be reduced, including those living in evacuation tents,” ani Hataman.
Naglaan ang rehiyon ng ARMM ng P20 milyong pondo para sa konstruksiyon ng mga bahay, kasama ang mapagkukunan ng tubig at 100 metrong daan.
Ayon kay Hataman, determinado ang rehiyonal na pamahalaan na muling itayo ang pundasyon ng lokal na pamumuno at muling itatag ang mga ligtas na lugar para sa aniya’y ‘most vulnerable group’ sa komunidad.
Naglaan ang ARMM ng nasa P150 milyon para sa rehabilitasyon ng lungsod ng Marawi, kabilang ang serye ng serbisyong medikal at psychosocial, pamamahagi ng tulong na pagkain, tulong pangkabuhayan, pagsusulong ng kapayapaan, diyalogo, at konsultasyon.
“I assure you that your regional government and the administration of President Rodrigo Duterte will help you all the way for you to rise from the ruins,” paniniguro ni Hataman.
Ang dalawang barangay ng Lumbaca Toros at Pantaon sa lungsod ng Marawi, kung saan itinayo ang mga bahay, ay kapwa benepisyaryo ng anti-poverty program ng gobernador sa ilalim ng ARMM-HELPS.
Inaasahan namang maipapamahagi na ngayong taon ang pasilidad sa Bgy. Pantaon habang sisimulan na ngayong buwan ang pagtatayo ng pasilidad sa Bgy. Lumbaca Toros.
Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng barangay halls, multi-purpose building, school armchairs, at mga makinang pangsaka. Dagdag pa rito ang nakatakdang pagbibigay ng ARMM sa mga evacuees ng programang pangkabuhayan at pagsasanay para sa ‘Islamic finance.’
PNA