Batang Gilas, pasok sa World tilt; sasagupa sa Aussie sa Final Four
NONTHABURI, Thailand – May inspirasyon na gagabay sa Philippine men’s basketball team sa kanilang pagsabak sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia -- at mula ito sa Batang Gilas.
Patuloy ang determinadong pakikibaka ng Batang Gilas at lumapit sa dalawang panalo para sa minimithing kampeonato sa 2018 Fiba Under-18 Asian Championship.
Naisalba ng Nationals ang matikas na pakikihamok ng Bahrainian side sa krusyal na sandali tungo sa 67-52 panalo nitong Huwebes sa Stadium 29 para makausad sa Final Four ng prestihiyosong torneo.
Makakaharap ng Pinoy ang Australian squad -- nagwagi sa Japan (88-52) sa semifinals – Biyernes ng hapon. Magtutuos naman sa hiwalay na semifinal duel ang new Zealand at ang nakabawing China.
Naungusan ng Chinese ang South Korea sa quarterfinals match-up. Bago ito, kinailangan ng liyamadong Chinese na dumaan sa qualifying match laban sa Indonesia matapos magapi ng Batang Gilas sa Group stage.
Hataw si Kai Sotto, ang 7-foor-1 center ng Philippine Team, sa naiskor na 21 puntos, tampok ang 10 sa third period kung saan napalawig ng Batang Gilas ang bentahe sa 41-36 mula sa 26-34 paghahabol sa halftime.
Naibaba ng Nationals ang 15-2 run, tampok ang three-pointer ni Miguel Oczon para maagaw ng Pinoy ang momentum ng laro.
Humugot din si Sotto ng 10 rebounds, tatlong assists, at tatlong block para makamit ang ikaapat na sunod na panalo. Anuman ang maging resulta ng kampanya sa Final Four, sigurado na ang Philippines para makalaro sa 2019 Fiba Under-19 Basketball World Cup.
Batay sa format, ang mangungunang apat na koponan sa torneo ay makakausad sa World stage.
Nag-ambag ang 6-foot-10 Fil-Nigerian na si AJ Edu ng 16 puntos, 17 rebounds, tatlong assists, dalawang steals, at dalawang block, habang kumana si Oczon ng 10 puntos, kabilang ang 2-of-7 sa three-point area.
Nanguna sa Bahrain si Baqer Ali na may 13 puntos at siyam na rebounds.
Iskor:
PHILIPPINES (67) – Sotto 21, Edu 16, Oczon 10, Ildefonso 6, Panopio 4, Abadiano 3, Ramirez 3, Amsali 2, Cortez 2, Chiu 0, Lina 0, Torres 0.
BAHRAIN (52) – B. Ali 13, Awadh 13, M. Rashed 11, A. Rashed 7, Aboukuora 2, Dindayneh 2, Hamoda 2, Kadhem 2, A. Ali 0, Alrowaila 0, Al Koohiji 0, Nawaf 0.
Quarterscores: 20-11, 26-34, 48-45, 67-52