MAAARING nagkataon lamang na ang pagguho kamakailan ng isang mosque sa Lombok, Indonesia dahil sa intensity 6.9 earthquake ay halos kasabay ng ating paggunita sa ika-50 anibersaryo ng 7.3 magnitude earthquake na naging dahilan naman ng pagbagsak ng Ruby Tower (RB) sa Sta. Cruz, Maynila noong Agosto 2, 1968. Sa lindol sa Lombok, halos 100 faithful o mananampalataya ang namatay samantalang 268 kababayan natin sa gumuhong gusali ang hindi nakaligtas. Ang pagguho ng RB ay bunsod ng lindol na ang epicenter ay nasa Casiguran, Aurora.
Totoong nakakikilabot gunitain ang dalawang trahedya na gumulantang sa Indonesia at sa ating bansa. Lalo na nga kung iisipin na ang naturang bansa ay pinamamayanan ng ating mga kapatid na Muslim; ito ay ating kaalyado sa ASEAN at katuwang sa pagpapaunlad ng agrikultura.
Higit na nakakikilabot gunitain ang pagguho ng RB na bumagsak na tulad ng isang posporo, wika nga. Halos kasabay ng pagguho ng naturang gusali, niyayanig din ng malakas na lindol ang pinaglilingkuran kong peryodiko -- ang dating Taliba, ang pahayagan na kapatid ng Daily Mirror at Manila Times na matatagpuan din sa Sta. Cruz, Maynila.
Halos sabay-sabay na nagpulasan ang aking mga kapuwa reporter, empleyado at iba pa. Sa halos isang iglap, nakahanay kaming lahat sa harap ng gusali at nanginginig sa takot na pinagmamasdan ang aming tanggapan na tila duyan na iniuugoy ng sunud-sunod na aftershocks ng lindol.
Ang sumunod na mga pangyayari ay sinundan ng walang patumangga naming pangangalap ng balita hinggil sa gumuhong gusali. Dalawang taon pa lamang akong nagiging regular reporter ng nasabing pahayagan at isa ako sa mga itinalaga sa naturang trahedya. Naging bahagi ng aking misyon ang halos walang-tulog na pagsubaybay sa malagim na eksena, para sa sunud-sunod na edisyon ng aming pahayagan. Para akong nauupos na kandila kapag nakikita ko ang minu-minutong paghugot ng mga bangkay mula sa gumuhong RB. Wala akong natatandaang nakaligtas sa naturang trahedya: kung mayroon man, mabuti naman.
Ang nabanggit na mga trahedya -- ang Lombok, Indonesia at RB earthquakes -- ay natitiyak kong isang makabuluhang leksiyon na dapat ikintal sa ating isip bilang paghahanda sa mga kalamidad na maaaring manalanta anumang oras, laging isaisip ang mga babala laban sa lahat ng sakuna.
-Celo Lagmay