NASUNGKIT ng Emilio Aguinaldo College ang unang panalo. Sa loob ng isang linggo, naitala nila ang unang winning streak sa 94th Season ng NCAA men’s basketball championship.
Ginapi ng Generals ang Mapua University, 89-85, sa mainit at maaksiyong laro nitong Biyernes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Nanguna si Hamadou Laminou sa EAC sa naiskor na 17 puntos, 12 rebounds, at anim na blocks, habang kumana si Juju Bautista ng 13 puntos, at 13 board para sa ikalawang sunod na panalo ng Generals matapos ang masaklap na 0-4 simula.
Naging dikitan ang laban sa krusyal na sandali at nanindigan sina Renz Gonzales, Jerome Garcia, at Sean Neri para maisalba ang Generals sa ratsada ng Cardinals.
“From the free throw disaster in our opening game, we have been working on our free throws,” pahayag ni coach Ariel Sison.
May tsanya ang Cardinals na maagaw ang panalo nang bigyan ng free throws si Denniel Aguirre matapos tawagan ng ‘unsportsmanlike’ si CJ Cadua sa naganap na karambola sa ‘agawan sa loose ball may 13.5 segundo ang nalalabi sa laro.
Ngunit, tila dinaga si Aguirre na sumablay sa dalawang free throw, habang naisapal naman nina Garcia at Neri ang tira sa free throw line sa endgame.
“Everybody is hoping to be in the Final Four. Sana magtuloy-tuloy para sa amin,” sambit ni Ariel.
Nanguna sa Mapua si Noah Lugo na may career-high 24 puntos, habang tumipa si Warren Bonifacio ng 15 markers, 11 rebounds, at anim na assists. Marivic Awitan
Iskor:
EAC (89) – Laminou 17, Garcia 14, Bautista 13, Natividad 12, Cadua 10, Tampoc 7, Neri 5, Gonzales 4, Diego 3, Mendoza 2, Robin 2, Magullano 0, Bugarin 0
MAPUA (85) – Lugo 24, Bonifacio 15, Victoria 11, Pelayo 11, Gamboa 8, Jabel 8, Biteng 4, Aguirre 2, Bunag 2, Serrano 0, Garcia 0
Quarterscores: 18-16, 33-39, 60-63, 89-85