NANG inilatag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang isa na namang sistema na sinasabing makalulutas sa nakapanggagalaiting problema sa trapik sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), natitiyak kong hindi ako nag-iisa sa paniniwala na iyon ay isang desperadong estratehiya. Sa aking pagkakaalam, iyon ay tatawaging High Occupancy Vehicle. Ibig sabihin, ang mga pribadong transportasyon na tsuper lamang ang nakasakay ay hindi papayagan sa Edsa, lalo na kung rush hour; kailangang may iba pang pasahero na tatawagin naman marahil na car-pooling.

Totoo na masusi pang sinusuri ng MMDA ang nabanggit na plano bagama’t ito ay tila may bendisyon na ng Metro Mayors Council. Maaaring binabalangkas pa ang mga patnubay o guidelines bago ibunsod ang dry-run na magiging batayan ng implementasyon ng naturang sistema.

Kaakibat nito, hindi maiiwasang lumutang ang mga pagtatanong: Hindi ba ito mistulang panghihimasok sa karapatan ng mga pribadong motorista na makapagbiyahe nang nag-iisa sa EDSA? Hindi ba ang pagpapasakay sa kotse – ng kaibigan, kamag-anak o ng sinuman – ay sagabal sa mahalagang appointment ng isang pribadong motorista? Ang gayon bang plano ay tiyak na makapagpapaluwag sa daloy ng trapiko sa nasabing mga pangunahing kalye? Bigla kong naalala ang pahiwatig ng isang dating MMDA chief: Nasubukan na yata ng naturang ahensiya ang lahat ng paraan upang lumuwag ang trapik sa EDSA subalit wala isa man yata ang nagtagumpay.

Ang kailangang pagtuunan ng MMDA – at ng iba pang ahensiya na may kaugnayan sa paglutas ng trapik sa Metro Manila – ay paglipol ng mga colorum vehicles hindi lamang sa EDSA, kundi sa iba pang mga lansangan. Ang mga ito na hanggang ngayon ay naglipana pa sa mga kalye ay tila dumadami pa at hindi nababawasan sa mga dahilang hindi mahirap unawain.

Malaki ang iluluwag ng trapik kung susundin at patuloy na ipatutupad ng MMDA ang utos ni Pangulong Duterte: Hatakin ang lahat ng mga sasakyan na ilegal na nakaparada sa mga lansangan, lalo na sa Mabuhay lanes. Kaakibat nito ang pagsasampa ng mga demanda laban sa mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa pasaway na mga motorista.

Naniniwala ako na ang naturang utos ay ipinatutupad ng nabanggit na ahensiya. Gayunman, kailangan ang ibayong pagpapaigting ng naturang utos ng Pangulo upang ang iba pang plano ay hindi maituring na desperadong estratehiya, na lalong makapagpapabigat sa paglutas ng nakabubuwisit na problema sa trapik.

-Celo Lagmay