PINANGUNAHAN ni Eya Laure ang ratsada ng University of Santo Tomas kontra University of the Philippines, 22-25, 25-20, 25-18, 26-24, nitong Linggo para manatiling malinis ang karta sa Premier Volleyball League (PVL) 2 Collegiate Conference sa The Arena sa San Juan.
Kumubra si Laure ng 18 puntos, kabilang ang game-clinching attack para sa ikaapat na sunod na panalo at solong pangunguna sa liga.
“Sinabi ko lang sa kanila na maglaro sila ng nag-eenjoy sila, kasi nakikita namin sa body language nila noong natalo noong first set,” sambit ni UST assistant coach Ian Fernandez.
“‘Yung kay Eya naman makikita naman natin na walang part siya na ganon (kaba) at saka ‘yun nga ang kagandahan since highschool kasama namin,” aniya.
Nagtabla ang iskor sa 24-all, at nagtamo ng krusyal na turnover si Nicole Magsarile para maging daan sa match point bago senulyuhan ni Laure ang panalo.
Nag-ambag si UST team captain Tin Francisco ng 16 puntos, habang kumana si Carla Sandoval ng 12 puntos.
Nanguna si Isa Molde ng 13 puntos, tampok ang 21 digs, habang si Magsarile ay may 12 puntos para sa Lady Maroons sa 1-1.