DEAR Inang Mahal,
Ako po’y naghahanap ng magandang paraan kung paano ko sasagutin ang mga tanong tungkol sa kalagayan ng aking nanay. May Parkinson’s disease po ang aking nanay at ito ay malala na. Ano po ang sasabihin ko sa mga taong nangungumusta sa kanyang kalagayan, gayong alam naman nating wala akong masasabing maganda tungkol dito, sapagkat wala pong gamot sa sakit na ‘yon. ‘Yon po kasing iba ay gusto pang dalawin ang aking nanay, kaya lang, wala rin naman pong kabutihan itong maidudulot at sasakit lamang ang loob naming lahat.
Leila
Dear Leila,
Unawain mong ang pangungumusta sa kalagayan ng iyong ina, ay paraan ng kanyang mga kaibigan para iparating sa inyo ang kanilang pagdamay. Sa ganoong sitwasyon, magalang mong ipahayag ang iyong pasasalamat at sabihing dahil sa maselan niyang kalagayan, ay hindi muna siya tumatanggap ng bisita.
Hindi mo kayang kontrolin ang paglala ng sakit ng iyong nanay, kaya huwag mo nang pakaisipin ang sasabihin ng ibang tao. Sa halip, tutukan mo ang iyong sarili upang maibigay mo sa ‘yong nanay ang pinakamahusay na suporta at pag-aalaga. Magdasal ka, at magsagawa ng mga anti-stress activities. Bilang tagapag-alaga, sobrang stress din ang nararanasan mo, kaya tutukan mo na lamang ang kalusugan ng iyong sarili at hayaang ang mga doktor ang mangasiwa sa kalagayan ng iyong ina.
With Affection,
Manay Gina
“If you want others to be happy, practice compassion. If you want to be happy, practice compassion.” ------ Dalai Lama
-Gina de Venecia