Muling nanindigan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagtutol nito sa pagpapatupad ng parusang kamatayan sa bansa, kasunod ng deklarasyon ni Pope Francis na ang death penalty ay “inadmissible” o hindi katanggap-tanggap kailanman.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Public Affairs Committee ng CBCP, dahil sa pahayag ng Santo Papa ay dapat na ring matuldukan ang anumang hindi malinaw sa usapin ng death penalty.

Giit ni Secillano, walang dahilan para bigyang katwiran ang pagpapatupad ng death penalty sa bansa.

Nanindigan din ang pari na sa damdamin ng Simbahan, ang implementasyon ng death penalty ay hindi dapat na ikonsidera sa lahat ng kaso, maging anuman ang sirkumstansiya nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nauna rito, sa pagbabago ng Katekismo na inaprubahan ng Santo Papa ay nakasaad na: “The Church teaches, in the light of the Gospel, that ‘the death penalty is inadmissible because it is an attack on the inviolability and dignity of the person’.”

“The change should now put to rest the ambiguity regarding death penalty,” ani Secillano. “No reason exists to justify its imposition. In the mind of the church, death penalty shouldn’t be considered in all cases and under different circumstances.”

Matatandaang kabilang sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte noong nangangampanya pa sa panguluhan ang pagbuhay sa death penalty, bilang bahagi ng pagsusumikap na masugpo ang kriminalidad sa bansa.

-Mary Ann Santiago