Milyun-milyong pamilya ang hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law at dapat matulungan muna ang mga ito bago pag-usapan ang pagsasabatas ng Package 2.

“May ilang milyong pamilya pa ang hindi nakatatanggap ng tulong pinansiyal, pati mga jeepney driver ay nirereklamo ang Pantawid Pasada Program,” ani Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV.

Giit ng senador, kung napakaraming pangako ang hindi natupad sa Package 1, hindi na dapat pa paniwalaan ang mga pangako ngayon.

“Mahirap maka-move-on sa TRAIN 2 habang maraming Pilipino pa ang pinapahirapan ng TRAIN 1. Hindi pa naipapatupad ang mga programa para sa mga nasagasaan ng TRAIN,” dadagdag ni Aquino.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Samantala sa Kamara, ipinagpatuloy ng Committee on Ways and Means nitong Martes ang pagtalakay sa House Bill 7458 o ang Package 2 ng TRAIN Law, na naglalayong amyendahan ang kasalukuyang corporate income tax system at iba pang mga probisyon sa Tax Code.

Iprinisinta ng Department of Finance (DoF) sa komite ang cost-benefit analysis ng TRAIN 2, at sinagot ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua ang mga katanungan ng mga kongresista.

Ipinaliwanag ni Chua na ang Package 2 ay magtutuon lang sa investment incentives na saklaw ng 123 special laws na nagkakaloob ng mga insentibo.

“Our proposal is to go beyond the sectors or industries’ interest; to review at the national level what the priorities are,” ani Chua.

-Bert De Guzman at Leonel M. Abasola