PARANG isang guni-guni ang natunghayan kong balita: May honesty bus pa na nagbibiyahe sa ating mga lansangan. Ibig sabihin, ilalagay ng mga pasahero ang kanilang mga pamasahe sa isang maliit na kahon sa naturang sasakyan; bahala na silang kumuha ng sukli, kung mayroon man.
Biglang sumagi sa aking utak ang isang nakadidismayang eksena noong tayo ay aktibo pa sa pamamahayag bilang isang police reporter. Halos magbasagan ng mukha ang isang bus driver at isang pasahero nang sila ay iniimbestigahan sa isang police station. Ang kanilang mga reklamo ay nakalundo sa pagbaba ng pasahero nang hindi nagbabayad ng pasahe; kasunod nito ang pagbabanatan hanggang sa sila ay parehong napahandusay sa kalye.
Hindi ba ganito rin ang nasasaksihan natin sa tinatawag na mga honesty store? Bahala na ang mga mamimili na kusang magbayad ng kanilang mga pinamili; isa ring lalagyan ang nakalaan na magsisilbing cashier’s box. Subalit katakut-takot ding shop-lifting incidents o pang-uumit ng paninda ang nagiging tampok sa imbestigasyon ng mga alagad ng batas; nagiging bahagi ito ng ating police coverage noon.
Totoong manaka-naka lamang ang gayong nakadidismayang mga pangyayari. Higit na nakararami pa rin ang ating mga kababayan na nag-aangkin ng katapatan o honesty sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay. Sa isang newspaper stand sa isang estado sa America, halimbawa, walang tindera; bahala na ang mga mamimili na kusang magbayad ng binibili niyang peryodiko.
Sa isang karinderya sa Quezon City na paboritong kainan ng ating mga kapatid sa pamamahayag, matagumpay ang ipinatutupad nilang matapat na patakaran o honesty policy. Self-service ang sistema at maaaring umorder ang mga customer ng kahit anong nais nilang kainin. Pagkatapos naming kumain, walang dahilan upang hindi namin bayaran ang aming kinain, lalo na kung iisipin na nasa likod ng cashier ang malaking imahe ng ating Panginoon.
Mangilan-ngilan lamang ang ganitong matapat na patakaran na matagumpay ang pagpapatupad. Sa kabuuan, naniniwala ako na halos imposible ang katapatan o honesty sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran -- sa pulitika, relihiyon at pakikipagkapuwa-tao -- lalo na kung isasaalang-alang ang naglipanang pagkagahaman sa salapi at kapangyarihan.
-Celo Lagmay