Tinatayang P1.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa pitong katao sa buy-bust operation sa umano’y drug den sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Gary Cruz, alyas Pong, na sinasabing drug den maintainer; Zosimo Rogerson; Napoleon Tolentino, Jr.; Jose Gallardo Carlos; Ariel Legaspi; Arturo Villar at Rene F. Pascual, pawang nasa hustong gulang, ng Barangay Ususan, Taguig City.
Sa ulat ni Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng Southern Police District (SPD), nagsanib puwersa ang mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit-National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO), Police Community Precinct (PCP) 6 ng Taguig City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa operasyon sa umano’y drug den sa No. 120 P. Mariano Street, sa Bgy. Ususan, dakong 8:30 ng gabi.
Isang tauhan ng RDEU ang nagsilbing poseur buyer at bumili ng 50 gramo ng shabu, sa partial payment na P200,000, kay Cruz sa nasabing lugar at tuluyan itong inaresto.
Hindi naman nakaligtas sa pag-aresto ang anim pang suspek na umano’y kasabwat ni Cruz sa ilegal na gawain.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 250 gramo ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P1.7 milyon, at P200,000 buy-bust money.
Kakasuhan ang mga inaresto ng paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, 23 at 26 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-Bella Gamotea at Fer Taboy