Nangako ang Department of Justice (DoJ) na patuloy na makikipagtulungan sa United States para maisakdal ang utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles at pamilya nito, at matiyak na maibalik sa gobyerno ng Pilipinas ng mga ninakaw nilang yaman.

“We shall extend all assistance to the US DOJ in prosecuting these cases in US courts,” ipinahayag kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra. “We welcome this development, as it paves the way for the return of the people’s money to our national treasury.”

Ipinahayag ng US DOJ na kinasuhan ng federal grand jury si Napoles at lima pang miyembro ng kanyang pamilya dahil sa pagsasabwatan sa para mailabas-masok sa United States ang tinatayang $20 milyong Philippine funds na nakuha sa pamamagitan ng ilang taong bribery at fraud scheme.

Kabilang sa mga kinasuhan ng Conspiracy to Commit Money Laundering, Domestic Money Laundering at International Money Laundering sina Mrs. Napoles, 54; mga anak niyang sina Jo Christine Napoles, 34; James Christopher,33; at Jeane Catherine, 28; kapatid na si Reynald Luy Lim, 52; at misis nitong si Ana Marie Lim, 47.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kumbinsido ang US DOJ na ang $20M na inilabas-masok sa Amerika ng pamilya Napoles ay nakuha nila sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas sa Pilipinas sa pakikipagsabwatan sa mga opisyal ng gobyerno.

Binanggit din sa pahayag na ang non-governmental organizations (NGOs) ni Napoles ang nakakakuha ng kontrata para sa mga proyekto sa PDAF ay hindi naman totoo.

Unti-unting ipinadala ang $20M sa Pilipinas sa pamamagitan ng money remitters at pagkatapos ay inihulog sa bank accounts sa Southern California at saka ipinambili ng real estate, ginamit sa dalawang negosyo, ipinambili ng dalawang Porsche Boxters, at ginamit panggastos nina Jeane Napoles, Reynald Lim at Ana Lim na nakatira sa Amerika.

Sa rekord ng kaso, nagsimula ang imbestigasyon noong Setyembre 2012 nang ito ay matuklasan. Matapos maaresto si Janet Napoles sa Pilipinas noong Agosto 2013, inumpisahan nang i-liquidate ng pamilya ang kanilang yaman sa US at saka palihim na inilipat ang mga ito sa Pilipinas, at sa iba pang accounts nila sa US at United Kindom.

Ayon kay US Attorney Nick Hanna, kahit umamin si Napoles sa pagkakasala niya sa Pilipinas at pakikipagsabwatan niya sa mga mambabatas para sa mga ghost projects, patuloy ang pagtangka ng kaniyang pamilya na gamitin sa personal na pangangailangan nila ang mga perang kinita nila sa krimen.

Sinabi ng US authorities na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Department of Justice ng Pilipinas, Office of the Ombudsman, Anti-Money Laundering Council, at sa Commission on Audit.

Hindi pa malinaw kung kailan maipapa-extradite sa US si Napoles para harapin ang mga kaso roon dahil kasalukuyan siyang nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City dahil sa kasong plunder.

“In the case of Janet Napoles, however, her pending cases in Philippine courts must first be terminated before she possibly gets extradited,” paliwanag ni Guevarra.

-BETH CAMIA at JEFFREY G. DAMICOG