Basta sa regional basketball..walang duda
KUALA LUMPUR, Malaysia – Winalis ng Team Philippines ang basketball event ng 10th ASEAN Schools Games nitong Miyerkoles sa Gem in mall courts sa Cyberjaya dito.
Sinundan ng boys basketball team ang impresibong kampanya ng girls squad sa dominanteng 87-65 panalo kontra host Malaysia para makumpleto ang double celebration sa basketball championship ng taunang torneo para sa mga atletang-estudyante.
Kinatawan ng National University Bullpups, sa pangangasiwa ni coach Richard Goldwin Monteverde, humarurot ang Pinoy cagers sa simula ng aksiyon at hindi napigilan nang nagulantang na Malaysian side para makamit at kampeonato at maiganti ang kabiguan sa nakalipas na edisyon sa Singapore.
Pinayungan nina six-foot-seven center Carl Vincent Tamayo at 6’6 Kevin Earl Quiambao ang pagtatangka ng Malaysians na makaiskor sa loob, sapat para malimitahan sila sa 31 percent shooting.
Nanguna si guard Gerry Austin Abadiano sa naiskor na 20 puntos, habang kumana si sharpshooter Terrence John Fortea ng 19 puntos, tampok ang limang three-pointer.
Kumubra si Tamayo ng 18 puntos, habang humugot din si Abadiano, Finals Most Outstanding Player sa nakalipas na 2018 Exped SM-NBTC National Finals Division 1, ng anim na rebounds.
Kumana si Tan Chee Wey ng team-high 13 puntos sa Malaysia.
Nauna nagdiwang ang girl dribblers nang pabagsakin ang Singapore, 80-42, para makamit ang ikalawang sunod na titulo.
Pinangunahan ni Silay City bet Kent Jane Pastrana ang Team Philippines sa naiskor na 14 puntos.
Ipinahayag ng Department of Education (DepEd), organizers ng Palarong Pambansa, na magbibigay ang ahensiya ng cash incentives sa mga medalist: P6,000 (gold), P4,000 (silver) at P3,000 (bronze). Ang torneo ay hindi sakop sa mga international competition na nasa ilalim ng Athletes Incentives Act na pinangangasiwaan ng Philippine Sports Commission (PSC)