Kahit hindi ilegal ay nakakaapekto rin umano sa lipunan ang adiksiyon ng ilang tao sa telebisyon at gadgets.
Ito ang inihayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang homily sa pagpapasinaya sa kauna-unahang Sanlakbay Recovery and Restoration Center sa Sta. Cruz, Manila.
Aniya, bukod sa adiksiyon sa illegal na droga ay dapat ding tutukan ang iba’t iba pang uri ng adiksyon, na nakakaapekto sa lipunan at pamilya, tulad na lamang, aniya, ng gadget addiction, at labis-labis na panonood ng telebisyon.
Ipinaliwanag ni Tagle na bagamat hindi nasasakop bilang ilegal sa batas ay nagdudulot din ito ng epekto sa pakikipag-kapwa tao at relasyon sa ating pamilya.
“Lahat naman tayo may kanya-kanyang addiction, kaya lang ‘yung iba legal. Kaya tuloy lang. ‘Yung mga addicted sa cell phone, addiction din ‘yan. Minsan kaharap mo na ‘yung misis mo hindi mo nga tinitingnan ang misis mo. O kaya ‘yung mga teleserye kahit na hindi makakain ng hapunan, kahit na hindi maghanda ng hapunan, huwag lang lalagpasan,” ani Tagle.
Kaugnay nito, hinimok ng Cardinal ang bawat isa na iwaksi ang paghuhusga sa ibang tao, tulad ng mga drug addict, bagkus ay magtulungan para sa sama-samang paghilom.
“Minsan bago tayo maghusga, katulad ni Isaias kasama pala tayo sa bayan na mayroon ding mga karupukan at sa karupukan sama-sama rin tayong naglalakbay. At sa pag-ibig ng Diyos, sama-sama rin tayong maglakbay para sa sama-samang paghihilom at ang nahihilom dyan ang pamilya, ang sambayanan,” aniya pa.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, hinihikayat niya ang bawat isa na maglaan ng panahon para sa pakikisalamuha sa kapwa at pagbibigay-oras sa pamilya, hindi lamang sa paraan ng makabagong teknolohiya, kundi sa pamamagitan ng personal na presensiya.
-Mary Ann Santiago