NAPAKALIIT ng Pilipinas kung ihahambing sa mga ibang bansa sa buong daigdig, pero mahahati-hati pa ito kapag pinairal ang gustong mangyari ng administrasyong Duterte. Kasi, sa binalangkas na porma ng gobyerno, mula presidential at unitary, gagawin itong federal. Sa ilalim ng bagong Saligang Batas na nilikha ng Consultative Assembly, ang bansa ay bubuuin ng 18 federated regions kabilang na rito ang rehiyon ng Bangsamoro at Cordillera. Ang Metro Manila ay isa sa mga rehiyong ito upang wakasan umano ang kontrol ng imperial Manila sa gawaing pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa. “Napapanahon na mapalaya ang mga rehiyon sa control ng pamahalaang nasyonal na mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pederalismo,” paliwanag ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, pinuno ng Consultative Assembly.
Parang tuldok lang sa mapa ang Pilipinas, samantalang ang China na kalapit bansa nito ay napakalawak. Pero, hindi ito nagpederal. Iyong nais remedyuhan ng mga nagsusulong ng pederalismo sa bansa na maalis ang kontrol ng gobyerno sentral sa mga rehiyon ay siya namang nilalayon ng China kaya ayaw nitong magpederal. Eh ang China ay binubuo ng mga naglalakihang isla, samantalang ang mahigit 7,000 na isla ng Pilipinas ay napakaliit.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tinututulan ko ang pederalismo. Ayaw ko rin ang ganitong porma ng ating gobyerno dahil kung ano ang dami ng islang bumubuo ng ating bansa ay ganoon din ang dami ng lengguwahe. Mayroon nga na sa isang rehiyon o isang probinsiya, ay magkakaiba ang salita ng mamamayan. Hanggang ngayon, bigo pa tayo na magkaroon ng isang lengguwahe na noon pa ay pinangarap na ng ating mga naunang makabayang lider. Hangad nilang mapag-isa ang mamamayang Pilipino na mahirap gawin ito kung hindi sila nagkakaintindihan. Hindi rin nila maunawaan ang ugali at kultura ng bawat isa. Eh kung ano ang dami ng ating isla at lengguwahe, ganoon din ang ugali at kultura nating mga Pilipino.
Pinakaepektibong paraan para makontrol mo ang taumbayan ay paghiwa-hiwalayin at hati-hatiin mo sila. Divide and rule, ika nga. Ito ang mangyayari kapag ginawa mong pederalismo ang bansa. Kaya, sa ilalim ng pederalismo, imposible nang makagawa ng remedyo ang mga Pilipino kapag umabuso na ang kanilang federal government.
Paano nila maisasalya ang people power, tulad ng ginawa nila nang patalsikin nila ang diktadurya, kung magkakahiwalay sila at napakahirap na para sila ay magkaisa. Lumakas man ang taumbayan, eh sa rehiyon lang na nakasasakop sa kanila. Ang puwedeng mangyari ay iyong ginawa ng Bangladesh nang humiwalay ito sa Pakistan. May probisyon naman daw sa Saligang Batas na ipinagbabawal sa kahit sino na itaguyod, hilingin at suportahan ang pagtiwalag ng rehiyon sa federal republic. Masunod kaya ito? Eh kung ang isinasaad ng Saligang Batas na impeachment ang paraan ng pagpapatalsik sa impeachable official, quo warranto ang ginamit laban kay dating CJ Sereno.
-Ric Valmonte