BAGAMA’T kulang sa tao, tinalo pa rin ng Go for Gold ang Centro Escolar University, 75-60, sa kanilang tapatan kahapon sa 2018 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Muling nag-step up si Matt Salem para sa Scratchers matapos pumukol ng tatlong tres at tumapos na may 16 puntos at 7 rebounds.

Naging topscorer naman para sa koponan ang bagong recruit na si Rey Publico na nagposte ng double-double 18 puntos at 11 rebounds.

Sinundan siya ni Paul Desiderio na may 17 puntos, 4 na rebounds at 3 assists sa kanyang final game para sa Scratchers dahil aalis siya kasama ng UP Maroons patungong Serbia para sa isang training camp.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

“I’m happy that we won and we played defense for once,” pahayag ni coach Charles Tiu.

Hindi naglaro para sa Go for Gold sina Gab Banal na nasa Australia sanhi ng isang personal commitment, Jerwin Gaco , James Martinez at Ron Dennison na may iniindang sakit at injuries.

Dahil sa panalo, tumabla ang Scratchers sa Che’Lu Bar and Grill sa pamumuno taglay ang markang 6-2 panalo-talo habang bumaba naman ang CEU sa patas na markang 4-4 .

-Marivic Awitan