SA hangarin at layunin na maiwasan ang sakuna o disrasya ng mga motorista na dumaraan sa zigzag road sa Antipolo City patungo ng bayan ng Teresa, Rizal at iba pang bayan sa eastern Rizal, naglagay ang Rizal Engineering District 1 ng mga galvanized pipe na may goma na magsisilbing proteksiyon ng mga motorista.
Ayon kay District Engineer Nestor Cleopas, ng Rizal Engineering District 1, ang inilagay na proteksiyon para sa mga motorista ay mga galvanized-pipe na may goma. Umaabot sa 80 metrong haba ng zigzag road sa Antipolo City ang tinayuan ng nasabing mga galvanized-pipe, na may goma na kulay orange at kulay puti naman ang pinaka-sinturon. May dalawang metro naman ang pagkakabaon ng mga naturang pipe at inilagay ang mga ito noong Hunyo 29.
Ayon pa kay District Engineer Nestor Cleopas, ang mga galvanized-pipe ay bigay ng isang Korean manufacturer. Napiling maging pilot area ang zigsag road sa Antipolo City. Isa sa kabutihan nito ay kapag nabangga ang sasakyan, aatras ito dahil sa goma at hindi gaanong masasaktan ang driver ng mga sasakyan. Ang installation ng mga galvanized-pipe ginagawa na rin sa America.
Matatandaan na sa nakalipas na ilan taon, dalawang lane lamang ang zigzag road sa Antipolo City na patungo ng Teresa. Ang pinakadepensa lamang sa tabi ng zigzag road, upang hindi mahulog sa bangin ang mga sasakyan, ay ang barandilyang bakal na nakapalibot sa kalsada. Sa kabila ng pagkakaroon ng barandilyang bakal, hindi rin maiwasan na nagkakaroon ng mga aksidente sa nasabing lugar. Kung hindi banggaan, ang aksidente ay pagkakahulog naman sa bangin ng mga sasakyan.
Sa ginawang pagbabago ng Rizal Engineering District 1, pinaluwag ang karsada sa zigzag road sa Antipolo. Ginawang apat na lane ang kalsada at naiwasan ang mga aksidente. Kung magkaroon man ng aksidente ay dahil na rin sa pagiging barumbado at kawalan ng pag-iingat ng mga driver. May mga naaksidente rin dahil sa lasing ang mga driver.
Bukod dito, nagtayo rin ng Solar Cat’s Eye sa Sumulong Highway at 600 metro ang haba nito. Malaking tulong ang hatid nito sa mga motorista lalo na para sa mga naglalakbay sa gabi.
-Clemen Bautista