ANG pataksil na pagpaslang kay Mayor Antonio Halili ng Tanauan City sa Batangas ay natitiyak kong naghatid ng nakakikilabot na hudyat sa mga lingkod ng bayan na walang inaalagata kundi gampanan ang sinumpaan nilang tungkulin sa lahat ng pagkakataon. Hindi maiaalis na sila ay sagilahan ng matinding pangamba, lalo na ngayon na ang buhay ay walang katiyakan.
Isipin na si Mayor Halili ay dumalo lamang sa flag raising ceremony -- isang okasyon na sagisag ng pagpapahalaga sa bandilang Filipino -- nang siya ay bumulagta; sinasabing isang sniper o sharpshooter ang umutas sa kanyang buhay.
Hindi pa maliwanag kung sino at ano ang sanhi ng kanyang kamatayan. May mga sapantaha na ang karumal-dumal na pagpaslang ay kagagawan ng mga pushers at druglords na hanggang ngayon ay namamayagpag sa kasumpa-sumpang pagnenegosyo. Maging si Pangulong Duterte ay nagsususpetsa lamang na ang naturang Alkalde ay may koneksiyon sa illegal drugs.
Isinasaad sa mga ulat na si Mayor Halili ay napatanyag sa kanyang kampanya laban sa ipinagbabawal na droga. Ang kanyang ‘walk of shame’ drive, ay sinasabing nakatulong nang malaki sa paglipol ng pagkasugapa sa shabu at iba pang illegal drugs. Ang naturang kampanya ay kinapapalooban ng pagparada ng mga users, pushers at mga kriminal na naaresto ng mga alagad ng batas. Hinihinala na ang naturang sistema ng pamamahala ng naturang opisyal ang ikinagalit ng mga lulong sa droga.
Totoong hindi na natin dapat ikagulat ang naganap kay Mayor Halili. Hindi ba ganito rin ang sinapit ng ibang opisyal, tulad ng Mayor sa Leyte at sa Iloilo? Sinasabi na sila ay hindi lamang kabilang sa narco list na nasa pag-iingat ng administrasyon; sila ay pasimuno rin umano sa pagbebenta ng bulto-bultong droga; bahagi sila ng drug syndicate na may mga kasabuwat sa mga kalapit na bansa.
Sa bahaging ito, biglang sumagi sa aking utak ang kahindik-hindik na pagpaslang sa aking bunsong kapatid. Mawalang-galang na sa mga sumusubaybay sa pitak na ito, nais kong minsan pa ay gunitain ang karumal-dumal na pagpatay kay Mayor Rogelio Lagmay ng Zaragoza, Nueva Ecija. Kasama ang tatlong iba pa, siya ay pinaslang sa mismong bulwagan ng munisipyo, tatlong dekada na ang nakalipas. Ang naturang malagim na pangyayari na tinaguriang ‘Noontime massacre’ ay bahagi na lamang ng madilim na kasaysayan ng pulitika sa aming bayan at sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Noon, marami ang nagtaka kung bakit, sa kabila ng suporta ng iba’t ibang sektor, hindi namin hinintay ang katarungan sa sinapit ng aking kapatid. Walang kagatul-gatol ang aking tugon: Ang lahat ay ipinaubaya namin sa Maykapal. Hindi ba sabi ng Diyos: Vengeance is mine?
-Celo Lagmay