Mga Laro Ngayon

(Ynares Arena)

1:00 n.h. -- Che’lu Bar and Grill vs Go For Gold

3:00 n.h. -- Marinerong Pilipino vs AMA Online Education

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

PAG-AAGAWAN ng Go for Gold at Chelu Bar and Grill ang pangingibabaw sa ginaganap na 2018 PBA D League Foundation Cup sa kanilang pagtatapat ngayon sa unang laro sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Magkasunod sa kasalukuyan sa unang dalawang puwesto sa team standings, wala pang talo ang Go for Gold at Chelu taglay ang barahang 4-0 at 3-1, ayon sa pagkakasunod.

Magtutuos ang Scratchers at ang Revellers sa unang salpukan ganap na 1:00 ng hapon na susundan ng tapatan ng Marinerong Pilipino at ng AMA Online Education ganap na 3:00 ng hapon.

Umaasa ang coaching staff ng Scratchers na magiging maigting na ang kanilang koponan sa pagkapit sa kanilang lamang sa sandaling makaagwat sa kanilang kalaban upang makatiyak ng tagumpay.

“We did not played well enough, we are up by double digits for most part, then we let up towards the end. We can’t let that happen.” pahayag ni coach Charles Tiu na tinutukoy ang nakaraang panalo nila kontra Marinerong Pilipino-TIP Engineers.

Kinakailangan talagang magkaroon ng ngipin ang Scratchers lalo pa’t haharapin nila ang Revellers na galing sa three-game winning streak matapos matalo sa una nilang laban.

Samantala sa huling laro, tatangkaing bumangon ng Marinero sa huling kabiguan sa kamay ng Go for Gold upang makakalas sa kasalukuyang pagkakatabla nila ng Centro Escolar University sa ikatlong puwesto taglay ang patas na barahang 2-2.

Sa kampo naman ng Titans, tatangkain nilang masungkit na ang napakailap na unang tagumpay kasunod ng natamong apat na sunod na kabiguan.

-Marivic Awitan