Patay ang dalawang motorista habang sugatan ang 10 iba pa sa tatlong magkakahiwalay na aksidente sa Kidapawan-Makilala highway sa North Cotabato, simula nitong Sabado.

Nasawi ang dalawang motorista nang magkasalpukan ang kani-kanilang motorsiklo sa Ilomavis Tourism Road sa Kidapawan City, dakong 1:00 ng madaling araw nitong Lunes.

Kinilala ni Kidapawan City Police Office director Supt. Ramel Hojilla ang mga namatay na sina Chin Lee Galvez Treyes, 18, ng Samonte Subdivision, Barangay Poblacion, Kidapawan; at Mosatar Dela Cerna, 29, ng Bgy. Kibia, Matalam.

Ayon kay Hojilla, patungo si Dela Cerna sa Bgy. Ilomavis habang naman si Treyes sa Poblacion nang magkabanggaan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, sugatan ang walong katao nang magkasalpukan ang dalawang pampasaherong van sa Bgy. Binoligan nitong Sabado, dakong 9:00 ng gabi.

Sa mga sugatan, anim ang pasahero, base sa report.

Sa ulat, sinalpok ng Toyota Hi-Ace van (LGY-435), na minamaneho ni Alan Rex Serapion, ng Kabacan, ang isa ring Hi-Ace van na minamaneho naman ni Bong Tembal Takbir, ng Datu Paglas, Maguindanao.

Isinugod ang mga sugatang pasahero, kabilang ang mga driver, sa magkakaibang ospital sa Kidapawan City.

Sa Makilala, North Cotabato, dalawang motorista ang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan nang bumangga ang kanilang sasakyan sa Makilala Highway nitong Sabado, base sa ulat ng Traffic Division.

Kinilala ang mga sugatan na sina Antonio Feria Gajeton, 51, ng Bgy. Bulakanon, Makilala; at Arnel Badana Pecaña, 40, tauhan ng Philippine Army mula sa Poblacion-B sa M’lang.

-Malu Cadelina Manar