Aabot na sa 22,850 na lumabag sa ordinansa ang dinampot ng pulisya sa Metro Manila.
Kahapon, inilabas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang tala kung saan mula Hunyo 13-Hunyo 30 ng madaling araw ay aabot na sa 6,122 (26.79 porsiyento) naninigarilyo ang naaresto dahil sa paglabag sa batas na paninigarilyo sa pampublikong lugar, habang 4,270 menor de edad naman ang dinampot sa paglabag sa curfew hour.
Kabuuang 3,593 lasing naman ang hinuli dahil sa pagbabawal na pag-inom sa pampublikong lugar, habang 3,385 katao ang nahuling pagala-gala sa lansangan na walang damit pang-itaas.
Naitala naman ang 5,480 ang lumabag sa iba pang mga ordinansa, katulad ng pag-ihi sa pampublikong lugar, pagtatago ng patalim, paggamit ng karaoke sa dis-oras ng gabi, illegal vending, at iba pa.
Pinakamaraming nahuli sa Eastern Police District (EPD) na umabot sa 9,242, na sinundan ng Southern Police District (5,195), Quezon City Police District (3,788), habang aabot naman sa 2,367 ang nalambat sa Northern Police District (NPD), at 2,258 sa Manila Police District (MPD). (Martin A. Sadongdong)