SA kabila ng matinding pagpuna at pagtutol ng mga kritiko sa anti-tambay drive ng Duterte administration, matindi rin ang aking paninindigan na ipagpatuloy at lalo pang paigtingin ang naturang kampanya; lalo na ang pagpapatupad ng curfew hour sa mga kabataan o menor de edad na hanggang ngayon ay naglipana sa mga lansangan kahit na sa kalaliman ng gabi.

Dahil dito, dapat lamang asahan ang matindi ring determinasyon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na linisin, wika nga, ang mga lansangan sa mga menor de edad; at naniniwala ako na kailangan silang arestuhin hindi upang parusahan kundi upang sila ay mailayo sa panganib na maaari nilang suungin sa paggala kung alanganing mga oras. Natitiyak ko na ang misyon ng PNP ay nakaangkla sa implementasyon ng mga ordinansa na umiiral sa iba’t ibang local government units (LGUs) sa buong kapuluan.

Dati nang umiiral ang pagpapatupad ng curfew hour sa mga kabataan. Sa aking pagkakaalam, naging bahagi na ito ng Oplan Rody (Rid the streets of Drunks and Youth); dinadakip ang mga kabataan, pinangangaralan at ipinauubaya sa kani-kanilang mga magulang o guardians na may tanging pananagutan sa pangangalaga ng kanilang mga anak. Ang ganitong sistema ay hindi yata ganap na pinaglilimian ng ilang sektor, lalo na ng pamunuan ng Commission on Human Rights (CHR) na laging nanggagalaiti sa inaakala nilang tandisang paglabag sa karapatang pantao.

Mahal natin ang mga kabataan na kinabibilangan ng ating mga anak, pamangkin at mga apo. Hindi natin nais na sila ay mapariwara at maging biktima ng masasamang elemento ng lipunan, lalo na ngayon na kabi-kabila ang mga nalululong sa masasamang bisyo na tulad ng illegal drugs; hindi sila dapat matukso sa kaway ng kampon ng kadiliman.

Subalit nakapanlulumong mabatid na ang ilan sa mga menor de edad ay nagagamit ng mga sindikato sa iba’t ibang krimen, lalo na ng mga akyat-bahay gang. Palibhasa’y mga bata at manipis ang pangangatawan, madali silang makapasok sa mga bahay na nais pagnakawan ng mga kriminal. Dahil sa kanilang pagiging menor de edad, hindi sila mapipiit at mapapanagot sa batas dahil sa mistulang pagkunsinti at pangangalaga ng Juvenile Delinquency Law.

Sa kabila ng naturang mga argumento, lalong dapat higpitan ang implementasyon ng curfew hour upang maiwasan ang paggamit sa mga naturang menor de edad na nagiging kaagapay sa kriminalidad.