Habang isinusulat ang balitang ito ay malubha ang lagay ng isang negosyante at kanyang kaibigan makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa Caloocan City, Linggo ng gabi.

Kapwa nilalapatan ng lunas sa ospital sina James Marvin Tongco, 45, negosyante; at Jerome Pascua, 43, kapwa taga-Barangay Malinta, Valenzuela City.

Nagtamo ng tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril si Tongco sa iba’t ibang bahagi ng katawan, gayundin ang kaibigang si Pascua.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 8:00 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa kanto ng Reparo sa Barangay 148, Bagong Barrio, Caloocan City.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Parehong sakay sa bagong Hyundai Accent ang mga biktima nang biglang lapitan ng suspek at limang ulit na pinaputukan ang negosyante.

Sunod na binaril ng gunman si Pascua saka tumakas.

Sinisilip na motibo ng awtoridad sa pamamaril ang isang lalaki na isinuplong daw ni Tongco dahil sa ilegal na droga.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-Orly L. Barcala