Dapat humingi ng paumanhin ang Simbahang Katoliko sa mga sexual abuse na nagawa ng ilang pari para maka-move on na ang mga biktima tulad ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, sinabi ng Malacañang kahapon.

Ito ang panawagan ni Presidential Spokesman Harry Roque sa mga lider ng Simbahan para depensahan ang pagmura ng Pangulo sa Diyos.

“Tingin ko ang mga deklarasyon ni Pangulo ay nagmumula doon sa hindi magandang karanasan niya noong siya ay isang bata na diumano siya ay naabuso ng isang pari. Ito ay isang isyu po na dapat talagang harapin din ng Simbahan,” ani Roque sa isang panayam sa telebisyon.

“Hindi pupuwedeng kalimutan ng Simbahan. Kinakailangan aminin, humingi ng tawad. So that lahat iyong mga naging biktima gaya naman ni Presidente Duterte can also move on with their lives,” dugtong niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Roque na sa ilalim ng human rights law, dapat magkaroon ng “reparation” para sa mga biktima ng pang-aabuso.

“’Yung acknowledgement na talagang nangyari ito na sa isang malawakang pamamaraan na ito po ay hindi inaktohan ng napakatagal na panahon at kinakailangang humingi rin ng tawad ang Simbahan sa mga naging biktima na mga kabataan na gaya ni Presidente Duterte noong siya ay bata pa,” aniya.

Sa pagtatalumpati niya sa technology summit sa Davao City nitong Biyernes, tinawag ni Duterte na “stupid” ang Diyos.

“Who is this stupid God? Estupido talaga itong p***** i** kung ganun,” aniya.

Inamin din ni Duterte na nawalan na siya ng respeto sa ilang pari. “Nawala ang respeto ko sa
 Hindi lahat pari. But nawala ‘yung respeto ko sa Katoliko. Hierarchy. It’s full of sh*t,” aniya.

AROGANTE

Tinawag ni Senador Antonio Trillanes IV na “evil man” at arogante ang Pangulo dahil sa mga salitang binitawan nito laban sa Diyos.

“It is the height of arrogance of power not only to disrespect and spit on an individual’s faith but also to act as though he is a god.”

Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na ipagdadasal niya si Duterte sa lahat ng kasalanan nito, at sana ay patawarin ito ng Diyos.

DEDMA

Dedma na lamang ang mga lider ng Simbahang Katoliko sa mga banat at pag-atake sa kanila ng Pangulo.

“We refused to be provoked, we shall ignore him. We decline to honor him by lowering to his standard and let the people be our judge against his attacks,” ani Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, sa isang mensahe.

Nilinaw ng obispo na walang galit ang Simbahan sa Pangulo at karapatan nito na magpahayag ng kanyang mga opinyon.

“No we are not (angry). He is entitled to his own opinion. He has all the rights to think and say anything at his own level of knowledge,” aniya pa.

-GENALYN KABILING, LEONEL M. ABASOLA at MARY ANN SANTIAGO