Napatay ang isang umano’y nagpakilalang operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraan umano’y manlaban habang nasamsaman ng ilang armas ang isang barangay chairman na umano’y kapatid ng napatay na drug lord na si Melvin Odicta, Sr., sa isang pagsalakay ng pulisya sa Esperanza, Iloilo City, kahapon.
Ipinahayag ni Chief Supt. John Bulalacao, Police Regional Office (PRO)-6 director, na ang napatay ay nakilalang si Andrew Altas.
Nadakip din ng pulisya ang magkakapatid na sina Noel Odicta, barangay chairman; Samuel Odicta, kagawad; Gerry Odicta; at Abraham Orada.
Si Noel ay sinasabing utol ng napatay na suspected drug lord na si Melvin Odicta, Sr., sa Malay, Aklan, noong Agosto 2016.
Nagsagawa ng paghalughog ang pulisya sa bahay ng magkakapatid na Odicta, Orada at Altas sa bisa umano ng search warrant, pero iginiit ng pulisya na nanlaban umano si Altas at nagpaputok ng baril.
Matapos ang engkuwentro, binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente si Altas dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo nito.
Isa naman sa miyembro ng raiding team ang tinamaan ng bala kahit nakasuot ng bullet-proof vest.
Sabay-sabay na isinilbi ng pulisya ang search warrant laban sa limang suspek na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga baril sa bahay ng mga ito.
-Fer Taboy