HINDI interesado si Acting Chief Justice Antonio Carpio na maging Punong Mahistrado ng Korte Suprema. Ganito rin ang kanyang desisyon noong panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo nang pumipili ito para sa magiging SC Chief Justice.
Tinanggihan niya ang nominasyon noon kasama si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na noon ay Associate Justice dahil ilang buwan na lang ang national election at batid niyang ipinagbabawal ng batas na humirang ang Pangulo ng bagong Chief Justice.
Sa pagtanggi nina Carpio at Carpio-Morales, ang hinirang ni GMA ay si Renato Corona bagamat batid ng lahat na bawal ang paghirang dahil nga sa pambansang halalan. Ang sumunod ay kasaysayan, umupo si Corona bilang Punong Mahistrado pero sa dakong huli ay na-impeach siya dahil mismong si PNoy ang nagpursige na siya ay matanggal.
May ilang dahilan kung bakit ayaw ni Carpio na ambisyunin pa niya ang puwesto bagamat siya ang pinaka-senior sa lahat ng mahistrado sa SC. Una, ayaw niyang mabiyayaan sa pagkakapatalsik kay Ma. Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition na kanyang kinontra kasama ng minorya.
Pahayag ni Carpio: “On a personal level, I don’t want to benefit from it so I will decline any nomination. I have to be consistent with my position that the quo warranto was not the proper way to remove a sitting member of the court.” Naniniwala siya na maaari lang tanggalin si Sereno sa pamamagitan ng impeachment sapagkat siya ay isang impeachable official.
Kahanga-hanga ang pagkakaroon ng integridad at delicadeza ni Carpio na matindi rin ang pagkontra sa pagsasawalang-kibo ng Duterte administration sa pag-okupa ng China sa West Philippine Sea, kahit pabor sa Pilipinas ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa Netherlands.
Nakatakdang magretiro si Carpio sa 2019. Katuwiran niya na kung siya ay Chief Justice, isa lang din ang kanyang boto tulad ng boto ng isang associate justice. “It doesn’t mean that if you are the chief justice, the other justices will follow you; they will follow you if your ponencia is correct, convincing, powerful,” paliwanag pa niya.
Dahil sa sunud-sunod na pagpatay sa mga paring katoliko, may mga ulat na may 200 pari, pastor at ministro ang ngayon ay nag-aaplay sa gun permits. Sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na gusto ng mga relihiyosong personalidad na magdala ng mga baril.
Ayon kay Albayalde, ang PNP ay tumanggap ng kahilingan mula sa mga ito na magkaroon ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) mula sa 188 catholic priests at 58 ministers, preachers at pastors mula sa iba’t ibang denominasyon nitong 2017-2018.
Tutol ang Catholic Bishops of the Philippines (CBCP) sa pag-aarmas sa mga pari sapagkat sila ay mga alagad ng kapayapaan. Ayaw ng CBCP na mabahiran ng dugo ang kamay ng mga alagad ng Simbahan. Gayunman, bunsod ng mga insidente ng pagpatay sa mga pari, na mismo ay loob ng bahay-dalanginan, tulad ng nangyari kay Fr. Richmond Nilo na binaril sa loob ng kapilya sa Zaragosa, Nueva Ecija, marahil
ay may mga paring hangad ay ipagtanggol ang sarili laban sa mga kriminal.
Sabi nga ng isang kolumnista, ang Pilipinas daw ay naging isang “Gunslinger in Asia.”
Abangan na lang natin kung bukod sa mga pagpatay sa bansa ngayon, na parang pangkaraniwan na lang pangyayari dahil sa illegal drug war, ay mag-aarmas na rin ang mga alagad ng kapayapaan gaya ng pag-aarmas ng mga taga-Mindanao.
-Bert de Guzman