NANATILING 8-6 ang botong nagbasura sa motion for reconsideration ni dating Chief Justice Lourdes Sereno na naglalayong baligtarin ang naunang 8-6 desisyon ng Korte Suprema na nagpapatalsik sa kanya sa pamamagitan ng quo warranto. Iginawad nito lang Miyerkules ng Korte ang pagkakait sa nasabing motion for reconsideration. Dito na magsisimula ang pagbilang sa 90 araw para humirang ang Pangulo ng kapalit ni Sereno.
“Tatanggihan ko ang lahat ng nominasyon para pumalit kay Sereno,” wika ni Acting Chief Justice Antonio Carpio na pansamantalang punong mahistrado at pinakasenior sa mga kasalukuyang mahistrado. Dahil dito, hindi masasama ang kanyang pangalan sa short list na isusumite ng Judicial Bar Counsel (JBC) sa Pangulo. Iniuutos ng Saligang Batas na ang JBC ang maingat at kritikal na mag-aaral ng mga kandidato sa posisyon at isusumite sa maikling listahan ang mga pangalan ng mga nasa akala nito ay karapat-dapat sa Pangulo. “Dahil bumoto ako laban sa pagpapatalsik, ayaw kong makinabang dito. Kailangang panindigan ko ang aking posisyon na ang quo warranto ay hindi wastong paraan para alisin ang nakaupong miyembro ng Korte,” paliwanag ni Carpio.
Kabaglitaran naman si Associate Justice Samuel Martires. Sa oral argument noong April 10, nang dininig ng Korte ang quo warranto petition na isinampa ni Solicitor General Jose Calida laban kay Sereno, inakusahan siya ni Sereno na kinuwestiyon niya ang kanyang mental health. Ang batayan ni Martires ay ang matibay na pananampalataya ni Sereno sa kanyang relihiyon. Ginawang dahilan ito ni Sereno para ipa-disqualify siya, pero tinanggihan niya ang kahilingan nito. Isa siya sa walong bumoto sa naunang desisyon, na nagpapatalsik kay Sereno at sa pagbasura sa motion for reconsideration nito.
Nabuhay ang isyung umano ay faith shaming ni Martires kay Sereno nang ungkatin ito ni Atty. Maria Milagros Fernan- Cayosa, ang kinatawan ng Integrated Bar of the Philippines sa JBC. Isa si Martires na nominado sa JBC na papalit sa magreretirong si Conchita Morales bilang Ombudsman.
“Ang linya ng pagtatanong ko laban kay Sereno, wika ni Matirez, ay para ipagtanggol siya,” aniya, “hindi ko siya hiniya sa kanyang pananampalataya at hindi sa buong buhay ko na ito ay ginawa ko. “Humihingi ako ng paumanhin sa kanya. Hindi ko intension na pahiyain siya,” dagdag pa niya.
Kung ako si Martires, hindi ako magpapahirang sa Pangulo sa kahit anong posisyon para maipakita ko na ang ang
pagboto ko para mapatalsik si Sereno ay matibay kong paninindigan at paniniwala. Pero, dahil gusto niyang maging Ombudsman, mabigat ang epekto nito sa kinatigan niyang interpretasyon ng Saligang Batas na pwede ring patalsikin ang mga impeachable officials gaya ni Sereno sa pamamagitan ng quo warranto. Umaasa kasi ng kapalit.
-Ric Valmonte